
Hindi napigilan ni Ryzza Mae Dizon ang maiyak nang magbalik-tanaw siya sa kanyang naging Little Miss Philippines sa episode ng Eat Bulaga! kanina, July 20.
Sa kanyang opening number para sa grand finals Little Miss Philippines 2019, ipinakita ang dating ginawa ni Ryzza Mae para sa talent portion ng popular na contest.
Pagkatapos nito ay ni-recite ng ngayo'y 14-year-old Eat Bulaga! host ang huling bahagi ng kanyang tula noon hanggang sa naiyak na ang dating Little Miss Philippines 2012.
Sa kanyang sumunod na pahayag, sinabi ni Ryzza, “Nandito pa rin po ako kasama ng mga dabarkads.
“Para po sa mga Little Miss Philippines ngayon… Alam n'yo po, hindi lang naman pag-aartista ang sukatan ng tagumpay sa pagsali sa Little Miss Philippines.
“Mayroon pong naging doctor, lawyer, titser, brodkaster, mga flight attendant.
“Yung iba po, mommy na, mayroon rin po silang little miss nila.
“Sigurado po ako, yung pagsali nila sa Little Miss Philippines ay nakakatulong sa anumang trabaho nila ngayon.”
Pagkatapos sinabi ni Ryzza na nais niyang magsilbing inspirasyon sa mga bata para ipagpatuloy lang ang kanilang mga pangarap.
Aniya, “Ang pangarap ko po paglaki ko, maliban sa sana nga ay lumaki ako, ay maging inspirasyon po sa mga bata na patuloy na mangarap.
“Sabi nga po ng Eat Bulaga!, 'Hangga't may bata, may Eat Bulaga!'
“Sa paglaki ko po, marami pong magbabago. Pero ang sigurado ko po ay habang-buhay po akong magiging Little Miss Philippines ng Eat Bulaga!”
Bukod sa pagiging Little Miss Philippines, si Ryzza rin ang tinaguriang pinakabatang nagkaroon ng sariling programa sa pamamagitan ng The Ryzza Mae Show.
Ito ay umere sa telebisyon mula April 2013 hanggang September 2015.