Ibinunyag kahapon ang pangalan ng panganay na anak nina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa baby shower ni “Maria Letizia.”
Paano kaya nabuo ng Kapuso stars ang pangalan ng kanilang baby girl? “Pangalan kasi ng lola ni Dong ‘yon tapos pangalan din ng kapatid ng Papa ko, so may koneksyon sa ‘min at saka gusto namin ‘yung tunog ng pangalan ng anak namin [ay] classic.”
Thirty-three weeks nang buntis si Marian at nakatakda siyang manganak sa Nobyembre kaya binuo ng kanyang Mommy Amy at kaibigan na si Teena Barretto ang intimate baby shower.
Sampung lamesa lang raw ang inilaan para sa mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ng aktres. Sina Celebrity Bluff host Boobay at Idol sa Kusina host Bettinna Carlos ang nag-hiost ng programa kagabi.
“Gusto ko lang all girls lang,” ang dahilan ni Marian sa report ng 24 Oras Weekend kaya wala ang kanyang asawa.
Samantala, pag-aaralan raw ng mag-asawa ang Lamaze o "healthy child birth practices" ayon sa official webiste nito para paghandaan ang kanyang panganganak.
Mapapanuod pa rin ang actress-host sa Sunday PinaSaya bilang si Judge MD at humihiling na patuloy na ipagdarasal ang kalusugan ng kanyang magiging anak.