
Nasa Pilipinas muli ang dating 2NE1 member na si Sandara Park.
Sa kanyang Instagram account, makikita ang ilang larawan niya mula sa kanyang bakasyon sa bansa, kabilang na ang pagbisita niya sa Batangas.
Nagbakasyon si Sandara sa family resort nina Camille at John Prats na Nayomi Sanctuary Resort kung saan naka-bonding niya si John at asawa nitong si Isabel Oli. Kasama niya sa kanyang trip ang kapwa niya South Korean artist na si Minzy na dati ring miyembro ng 2NE1.
Sula ni Dara sa kanyang post, "Quick getaway 😍
"I love the view, the sunset, the sky, the stars, the food, bonfire, late-night movie, and my friends ♥️
"Thanks John! Boating next time!!! 😀👍🌊⛵️"
Sa hiwalay na post, nagbahagi rin si Dara ng ilan niyang larawan sa isang rooftop pool kung saan tanaw ang Manila skyline.
"As soon as I enter the Philippines, I lose 3kg of steamed rice," sulat niya sa caption.
Si Sandara ay produkto ng 2004 reality artista search na Star Circle Quest kung saan itinanghal siyang first-runner up. Ka-batch niya sa talent competition sina Joross Gamboa, Melissa Ricks, Roxanne Guinoo, Neri Naig, at Joseph Bitangcol.
Taong 2007 nang bumalik si Sandara sa South Korea.
Naging miyembro siya ng K-Pop group na 2NE1 mula 2009 hanggang sa na-disband ito noong 2016.
Kamakailan ay nag-release ang Back Eyed Peas member na si Apl.de.Ap ng single, na pinamagatang "2 Proud," kung saan naka-collaborate niya si Sandara.
Samantala, isa si Sandara sa tatlong South Korean celebrities na magkakaroon ng guest appearance sa second season ng Running Man Philippines.