
Makapigil-hininga ang mga eksena sa sinusubaybayang action-drama sa gabi na Sanggang Dikit-FR.
Sa episode ng GMA Prime series noong Huwebes, October 9, tumindi ang tensyon sa Station 12 sa gitna ng pangho-hostage ni Robles (John Vic Guzman).
Habang hinihintay ng huli ang ni-request niyang helicopter, pumagitna sina Conde (Dennis Trillo) at Garcia (Joross Gamboa) para mailigtas ang kanilang mga kabaro sa istasyon na sina Dizon (Kiel Rodriguez), Bautista (Jess Martinez), at hepe nilang si Flores (Allen Dizon) na sugatan sa engkwentro.
Sinubukan ni Conde na kumbinsihin si Robles na makipagtulungan na lamang sa kanila para ikanta kung sino ang pinuno ng sindikato pero nagmatigas si Robles.
Hindi nagtagal, pinasok na rin nina Conde at Garcia ang kwarto kung saan nagaganap ang hostage taking para dakpin si Robles.
Pumunta naman sa istasyon ang mayor ng Calabari na si Glen (Juancho Triviño) para pasukuin si Robles.
Nang magkita ang dalawa, kinutuban si Conde na may kinalaman si Glen sa sindikato na kinabibilangan ni Robles matapos tawaging "boss" ng huli ang alkalde. Bago pa sila makapag-usap, biglang binaril ng sniper si Robles na ikinagulat ng kapulisan sa Station 12.
Dahil dito, lalong nagsuspetsa si Conde na si Mayor Glen ang nasa likod ng mga krimen sa Calabari.
Panoorin ang buong episode sa video sa itaas.
Mapapanood ang Sanggang-Dikit FR weeknights, 8:50 p.m., pagkatapos ng Encantadia Chronicles: Sang'gre sa GMA at Kapuso Stream. May delayed telecast din ito sa GTV sa oras na 10:30 ng gabi.
RELATED CONTENT: Get to know John Vic De Guzman, the Kapuso hotlete who's making waves in acting