
Ibinahagi ni Sanya Lopez na silang naging close ng kanyang kuya na si Jak Roberto. Sa katunayan, magksama silang bumalik sa Japan para magbakasyon.
Ayon kay Sanya, bihira lang silang mag-travel nang magkasama noon kaya masaya siya na may pagkakataon sila na makapagbakasyon na magkapatid.
“Ang sarap lang sa feeling na nagkaroon ulit kami ng bonding na gano'n saka 'yung mas naging open ulit kami sa isa't isa,” pahayag ni Sanya sa panayam niya sa "GMA Integrated News Interviews" ng 24 Oras.
Inamin din ng dalagang aktres na minsang nawala ang pagiging malapit nila Jak bilang magkapatid.
Pagbabalik-tanaw ni Sanya, “Well, nangyari 'yon because of personal reasons, may hindi pagkakaintindihan as magkapatid."
Memorable ang bonding nila sa Japan dahil nakatulong daw ito para muling magkalapit sa isa't isa.
“Ang sarap sa feeling na magkapatid talaga kami,” sabi niya.
Pabiro pang ikinuwento ni Sanya na muntikan na silang mag-away ni Jak sa kanilang trip sa Japan.
“Sabi niya sa akin, 'Iiwanan kita, magta-taxi ka na lang.' Ang mahal ng taxi sa Japan. Takbo ako, 'di ako nakapag-shopping nang kaunti,” kwento niya.
Related gallery: Filipino showbiz personalities na magkakapatid
Nagsimula ang paghilom ng kanilang relasyon bilang magkapatid ni Jak maghiwalay sila ni Barbie Forteza. Bilang kapatid, sabi ni Sanya, siya ang isa sa mga tumulong at nakinig kay Jak para malampasan ang bigat nito.
Sa kabila ng mga nangyari sa kanilang magkapatid, ani Sanya, "At the end of the day, kapag mayroon 'di magandang nangyari sa inyo pareho; pamilya pa rin ang nagsusuportahan sa isa't isa. Bilang kami 'yung medyo magkapitbahay lang, bilang magkalapit lang kami, ako 'yung mabilis niyang nakakausap,” sabi niya.
Samantala, tampok si Sanya Lopez sa isang episode ng trilogy horror film na KMJS' Gabi Ng Lagim The Movie, na pinamagatang "Berbalang." Ito ay hango sa urban legend mula sa Mindanao.
Kasama niya rito ang Kapuso actor na si Rocco Nacino. Mapapanood na ang KMJS' Gabi Ng Lagim The Movie sa darating na Miyerkules, November 26, sa mga sinehan nationwide.
Panoorin ang buong panayam kay Sanya rito: