
Hindi maitago ng Kapuso star na si Sanya Lopez ang kaniyang excitement para sa nalalapit na historical drama series nila na Pulang Araw. Bukod pa doon ay excited na rin ang aktres para sa bagong aktor na makakasama nila sa serye.
Sa interview ni Sanya kay Lhar Santiago sa 'Chika Minute' para sa 24 Oras, ibinahagi niya kung gaano na sila ka-excited para sa Pulang Araw dahil sa magandang istorya at pagkakasulat nito.
“Importante rin po 'yun. At saka habang binabasa mo pa lang siya, nararamdaman mo na,” sabi niya.
Ipinahayag din ni Sanya kung paano nila hinangaan ang galing ng kanilang production team sa pagbabalik ng itsura ng kanilang location para magmukhang 1940s uli.
“Talagang ibinabalik nila sa panahon ng 1940s 'yung location namin, ang ganda. Kahit kami, kapag pumupunta kami, na-amaze kami,” sabi niya.
Dagdag pa ng aktres, “Tapos 'yung mga klase ng upuan, hindi pala gumagamit ng pako. 'A talaga? So paano nabuo 'yun?'”
BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI SANYA SA GALLERY NA ITO:
Ipinahayag din ni Sanya na maganda ang working relations nila ng mga co-actors na sina Alden Richards at Barbie Forteza.
Ayon kay Sanya, “Kaming tatlo nila Alden and Barbie na magkakasama na kami sa isang eksena, ok naman kami. Si David (Licauco), hindi pa namin nakakasama dahil may dahilan po 'yun, may dahilan.”
Nagpahaging rin si Sanya na dapat abangan ang isang bagong aktor na makakasama nila sa serye. Sabi ng First Lady of Primetime, “Naku, abangan nila kung ano bang magaganap doon sa bagong paparating na... kakampi ba o kalaban? So abangan.”
Sa kabila ng pagiging busy ni Sanya sa Pulang Araw ay nagawa pa rin niya ang ilang mga proyekto kabilang na ang pelikula nila ni Xian Lim na 'Playtime,' at paghahanda para sa telefantasya series na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Bukod pa riyan ay nagawa rin niyang makipag-collaborate sa local jewelry brand na Amaya Shia Jewelry para bumuo ng sarili niyang collection. Sabi pa ni Sanya sa interview niya sa 24 Oras ay gusto rin niyang magdisenyo ng alahas na maisusuot niya sa 1940s time period drama.