
Anim na taon na ang nakakalipas mula nang mapanood ng publiko ang requel ng hit fantasy series na Encantadia,na pinagbibidahan nina Glaiza de Castro, Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez bilang ang apat na mga Sang'gre.
Sa podcast ng GMA News na Updated with Nelson Canlas, binalikan ni Sanya ang Encantadia at umaming limang beses siyang nag-audition bago nakuha ang role bilang Sang'gre Danaya.
"Limang beses po ako nag-audition, kahit nga lang 'yung best friend ni Muyak, tatanggapin ko 'yun kasi nga fan po talaga ako ng Encantadia. Kumbaga, para makapasok ka doon sa Encantadia, sobrang happy ka na, 'Uy, part ako n'yan, part ako ng Enca!'" masayang pagbabalik-tanaw ni Sanya.
"Una nilang binigay sa akin ay si Gurna at si Agane. 'Tapos, biglang binigay sa akin si Mira, tapos ginawa nilang ako si Lira. After nung Lira, binigay nila sa akin 'yung role ni Gabbi (Garcia), si Alena, 'tapos, masyadong strong 'yung personality ko, hindi bagay. Triny nila ako kay Danaya, mas nag-match 'yung kay Danaya."
Bukod sa pag-a-audition sa Encantadia, binalikan rin ni Sanya kung bakit siya nagsimula sa showbiz.
"Una sa lahat, pangarap ko 'yun nung bata pa lang ako. Parang ang nangyari po talaga, naging dahilan lang po kung bakit ko siya pinush is because walang-wala po kami at that time. Feeling ko 'yun na 'yung solusyon para maging okay kahit paano 'yung buhay namin noon," kuwento ni Sanya.
One year old pa lang si Sanya nang pumanaw ang kanyang ama kaya naman ang kanyang ina na ang tumayong magulang ng kapatid niyang si Jak Roberto.
Sa katunayan, upang masustentuhan ang kanilang pamilya, nagtrabaho bilang caregiver at nagtinda sa palengke ang kanyang ina.
Panoorin ang buong interview ni Sanya dito:
Ngayon, matapos ang ilang taong pagpupursigi, naging matagumpay na si Sanya na kasalukuyang napapanood ngayon sa top-rating GMA Telebabad series na First Lady.
Tingnan ang iba pang natatanging pagganap ni Sanya sa gallery na ito: