
Hindi makapaniwala ang Kapuso actress na si Sanya Lopez na matapos ang ilang taon ay nakapirma siya ng exclusive contract sa GMA Network, na sobra niyang ikinasaya at pinagpapasalamat.
“At first, hindi ko akalain na makakarating ako sa ganun kasi, siyempre, sa ilang years na nandito ako sa showbiz, ang dami kong pinagdaanan,” sabi ni Sanya sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa naganap na contract signing nito sa Amara Shia Jewelry.
Pag-amin pa ng aktres, “May mga moments na gusto mo nang sumuko, pero 'yung mga moments na gusto mo sumuko at hindi ka sumuko, 'yung 'yung naging way kung bakit nandito ako ngayon sa GMA, kung anong meron ako.”
Nagpasalamat din si Sanya sa GMA bosses na sina GMA Network CEO Atty. Felipe Gozon, GMA Records Executive Vice President Felipe S. Yalong, Chief Operating Officer Gilberto R. Duavit, Senior Vice President Annette Gozon-Valdez, SVP ng Entertainment Group na si Miss Lilybeth G. Rasonable, at Sparkle GMA Artist Center President Joy C Marcelo sa suportang ibinigay nila sa kanya.
Pahayag din ni Sanya ay tumatag din ang pagiging loyal niya sa Kapuso.
“Dun kasi nakikita natin, 'yung kontrata, hindi siya basta contract. It's a loyalty na ibinigay mo, ibibigay mo, at patuloy mong ibinibigay para sa network,” sabi nito.
TINGNAN ANG NAGING SPARKLING CAREER NI SANYA SA GALLERY NA ITO:
Sa contract signing niya ay pinasalamatan si Sanya ng GMA executives na dumalo para sa kaniyang tiwala sa kanila at sa network at ayon sa aktres ay na-touch siya sa sinabi ng mga ito, at inaming iyon din ang nagpaiyak sa kanya sa event na iyon.
“Ayoko talagang umiyak nun, nung time na 'yun. Hindi ko inexpect na iiyak nga ako. Pero 'yun 'yung sobrang nata-touch ako na coming from the bosses na ganun 'yung binigay sa'yo, ibig sabihin, 'yung tiwala nila sa'yo, sobra-sobra,” sabi nito.
Dagdag pa nito, “Ang magagawa ko lang talaga siguro mas gawin ko pa, galingan ko pa, gawin ko 'yung best ko at, hindi sana, hindi po kayo mabibigo.”