
Inamin ni Sanya Lopez kamakailan sa Fast Talk with Boy Abunda na handa na siyang magkaroon ng boyfriend ngayon.
Sa kanyang muling pagbisita sa nasabing programa, inusisa ng batikang TV host na si Boy Abunda ang love life ni Sanya.
“Napakatahimik ng love life mo,” ani ni Boy kay Sanya.
Aminado naman si Sanya rito. Paliwanag niya, “Opo. Kasi, Tito Boy, at first po kasi, may mga priorities ka talaga e. Matindi 'yung pinanghahawakan mo. Kumbaga, meron kang mga bagay na kailangan mong ingatan at i-priority muna bago 'yung love life.”
Biro pa ng aktres, “At saka 'yung kontrata ko dati, Tito Boy, merong nakalagay, 'No Boyfriend.' Pero ngayon, Tito Boy, 'yung kontrata nakalagay [na] doon, 'Pwede Nang Lumandi.'”
RELATED GALLERY: Sanya Lopez's photos that prove she's ultimate hot babe
Ayon pa kay Sanya, mas gusto niya lang na tahimik na relasyon. Kaya kung sakaling magka-nobyo na siya ay pipiliin niyang maging pribado rito.
Aniya, “Mas gusto ko rin po siguro 'yung tahimik lang, Tito Boy, kung magkaro'n man po ako ng partner. Kasi minsan, kahit hindi para sa kanila, ang daming nakikialam po e, involved.
“So mas mabuti siguro kung magkataon man po, Tito Boy, siguro mas private.”
Tanong naman ni Boy kay Sanya, “Have you had a boyfriend?”
“Never, Tito Boy,” sagot ng aktres.
“Meron po nanligaw, may mga nanligaw po. Ganun lang siya, Tito Boy,” dagdag niya.
Samantala, pagdating sa “Talk or Dare” segment, tinanong naman ni Boy si Sanya kung totoong may nanliligaw sa kanya ngayon na isang multimedia star.
Tanong ni Boy sa aktres, “From a very reliable source. Merong pumoporma sa 'yo, merong nanliligaw sa 'yo na multi-talented star. Ang tanong, sino siya? Sanya, would you like to talk or dare?”
Napangiti naman si Sanya at sandaling nag-isip sa tanong ng batikang host.
“Ah, walang pilitan dito sa Talk or Dare. You either talk or dare. If you talk, talk. If you don't, dare. Meron ba?” pangungumbinsi ni Boy.
Pero tumanggi si Sanya na sagutin ito at mas pinili na gawin ang dare.
“Dare na lang! Dare na lang!” anang aktres.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.