
Sinagot na ng singer-actress na si Sarah Geronimo ang bali-balitang siya na raw buntis sa unang baby nila ng asawang si Matteo Guidicelli.
Sa pagbubukas ng kanilang bagong studio na G Studios noong October 9, game na humarap sa press ang mag-asawa. Isa sa naging katanungan ng media ay kung ano ang dahilan ng naging pagkansela ng dapat sana ay Pampanga leg ng concert tour ni Sarah kasama ang OPM rock icon na si Bamboo noong October 1.
Matatandaan na nag-post si Sarah sa X, na kailangan munang i-postponed ang kanilang show dahil sa “medical reasons.”
Hi guys.. I'm so sorry we have to reschedule our Pampanga show due to medical reasons.
-- Sarah Geronimo (@JustSarahG) September 28, 2023
Thank you for your support and understanding.. my dear Popsters.
Kaugnay nito, naging haka-haka ng ilan na ang “medical reasons” na tinutukoy ni Sarah ay tungkol na sa kaniyang pagbubuntis.
Reaksyon naman ni Sarah dito, “Sana, sana.”
Pero paglilinaw ng Pop Star, “Medyo nagkulang lang po ng preparation vocally, and physically, it took a toll on my vocal cords.”
Nang tanungin naman si Sarah kung ready na ba siyang maging mommy, ito ang kaniyang natatawang sagot, “Ready is such a big word.”
Sa kabila nito, naghihintay lamang umano sina Matteo at Sarah sa tamang panahon para sila ay magkaroon na ng anak.
Matatandaan na sinabi noon ni Mattteo na handa na siyang maging isang ama, sa ginanap na media conference noon nang naging pagpirma niya ng kontrata sa Kapuso network.
Pinaghahandaan ko na talaga 'yan. Handang-handa na, dati pa,” ani Matteo.
Noong 2013 nagsimulang maging magkarelasyon sina Sarah at Matteo hanggang sa ikasal sila noong 2020. Nito lamang September, ipinagdiwang ng dalawa ang kanilang 10th anniversary as a couple.
Samantala, mapapanood naman si Matteo sa upcoming GMA action series na Black Rider na pinagbibidahan ni Primetime Action Hero Ruru Madrid.