
Ibinahagi ng Sparkle stars at magkapatid na sina Saviour at Tanya Ramos ang dahilan kung bakit hindi nila ipinaalam sa kanilang ama at Kapuso actor/leading man na si Wendell ang kanilang pag-o-audition sa GMA.
Sa June 20 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, isang masayang kuwentuhan ang naganap kasama ang TV host na si Boy Abunda at ang Ramos family na sina Wendell, Saviour, at Tanya.
Kuwento ng dalawang magkapatid, pinili nilang huwag ipaalam kay Wendell ang pagsali sa audition dahil gusto nilang may mapatunayan sa kanilang mga sarili.
Kuwento ni Tanya, “I feel like Tito Boy… I wanted to prove something to myself. Kahit hindi ko po inisip to join showbiz, I really wanted to become a performer so I feel like it still falls in the same category.”
Ayon naman kay Saviour, “Same lang din po ako kay Tanya, Tito Boy, as in biglaan lang po din po 'yung auditions ko. Gusto ko lang din po na may ma-prove sa sarili ko and pangarap ko na ipakita kay papa na parang kaya namin.”
Bukod dito, ibinahagi naman ni Wendell ang ilan sa mga ugali ng kaniyang mga anak na kung minsan ay hindi niya naiintindihan.
Aniya, “Through my experiences, I don't want them to be perfect naman. I just want them to listen. Sometimes, because of siguro dahil nasa network na sila, nagwo-work na sila parang bawal na ba akong pakinggan? Bawal na ba akong kuhanan ng idea?”
Sa kabila nito, nagpapasalamat naman si Wendell na namana ng kaniyang mga anak ang kanyang work ethics.
“'Yung pagiging grateful nila sa kung anong meron sila. Lagi kong sinasabi I don't want them to be in the industry just because to be famous, to be superstar, siyempre pangarap natin 'yun pero the thing is ang gusto ko lang ma-experience nila 'yung at an early age, nagta-trabaho, how to obey, merong network na nag-ga-guide sa kanila,” anang celebrity dad.
Samantala, inilarawan naman nina Saviour at Tanya ang kanilang ama na si Wendell bilang, “supportive dad, the best dad.”
Kasalukuyang napapanood ngayon sina Wendell at Saviour sa finale week ng GMA Afternoon Prime series na AraBella, habang si Tanya naman ay sa digital series na In My Dreams.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG MASAYANG PAMILYA NI WENDELL RAMOS SA GALLERY NA ITO: