
Aminado ang aktor na si Saviour Ramos na handa na siya sa matatanggap na pamba-bash mula sa fans ng love team nina Sofia Pablo at Allen Ansay ngayong siya ang magiging ka-love triangle ng dalawa sa pinakabagong sea fantaseries ng GMA Network at Regal Entertainment na Raya Sirena.
Kuwento ni Saviour, noong sinabi pa lang sa kanya ang gagampanan niyang role ay agad na niyang inisip ang sasabihin ng fans nina Sofia at Allen na mas kilala online bilang Team Jolly.
"Ready na po ako. Actually, nung una pa lang po, inisip ko na 'yan, nung sinabi sa akin na natanggap ako and magiging third wheel ako," pag-amin ni Saviour sa virtual media conference noong April 21.
"'Di ba nagbiro ako no'n na, 'Uy, sabihan n'yo naman 'yung fans n'yo na 'wag magalit sa akin, a."
Sa Raya Sirena, gagampanan ni Saviour ang merman na si Ape, ang magiging gabay ni Raya sa ilalim ng dagat.
Patikim ni Saviour, talagang makikita ng mga manonood ang kagustuhan ni Ape na mapasakanya si Raya.
"[Makikita] nila kung gaano ko kagusto nakawin si Raya kay Gavin, ganun po talaga 'yung makikita nila doon."
Dagdag ni Saviour, sigurado siyang mamahalin rin ng mga tao ang kanyang karakter na si Ape sa dulo ng kuwento.
"Alam ko po na after nitong Raya Sirena, kahit may conflict kami ni Gavin [karakter ni Allen Ansay] doon sa istorya, mamahalin rin po nila si Ape 'pag napanood nila nang buo.
"Okay lang po sa akin 'yung bashing, sa una lang po 'yan."
Hinihiling naman ni Allen na mainit ang maging pagtanggap sa kanilang tatlo upang masundan pa ng ibang proyekto ang Raya Sirena.
Aniya, "'Tsaka malay mo, talagang magustuhan nila 'yung love triangle naming tatlo, 'di ba? Tapos mabigyan tayo ng (mga proyekto) magkakasama tayo."
Panoorin sina Saviour, Sofia at Allen sa pilot episode ng Raya Sirena mamayang 3:05 p.m. sa GMA Network.
Samantala, kilalanin ang iba pang makakasama nina Sofia, Allen, at Saviour sa pinakabagong sea fantaseries ng GMA Network at Regal Entertainment dito: