
Nagkuwento ang SB19 member na si Justin de Dios ng isang hindi kanais-nais at “disrespectful” na karanasan sa Los Angeles International Airport kasama ang isang Pilipinong empleyado doon.
Sa inilabas na vlog ng grupo kaugnay ng kanilang biyahe para sa Lollapalooza Festival sa United States, ikinuwento ni Justin ang kaganapan habang naghihintay sila ng kanilang mga bagahe sa baggage claim area.
Ayon kay Justin, lumapit ang isang matandang tagahanga upang magpa-litrato at kumuha ng video.
Dahil nakatapat pa rin ang telepono nito habang sila ay naghihintay, maayos na nakiusap ang manager ng grupo na si Leah Gonzales kung pwedeng maghintay muna nang kaunti hanggang sa makuha ang mga luggage bago magpa-picture.
Pumayag naman ang matanda at kalaunan ay nakapagpa-litrato rin kasama ang grupo.
“Nilapitan na siya ng manager namin kasi ang uncomfortable naman na may nagbi-video sa iyo habang naka-standby kayo. Siya [Leah] ang nagsalita na, 'Ay, puwede po ba mamaya na po kapag naka-settle na?' Sabi naman ni Nanay, 'Okay, okay,'” paglalahad ni Justin.
Subalit, isang Pilipinong nagtatrabaho sa airport na nakarinig sa usapan ang biglang lumapit kay Leah. Tinanong nito ang pangalan ng manager at tinawag itong “suplada” bago nagsalita ng mga nakakasakit na pahayag laban sa grupo.
“Super disrespectful. Kasi bigla siyang nagpaparinig na sabi, 'Suplada mo, ha.' Tapos pinapakita niya 'yung mga picture kasi nakapagpa-picture na raw siya kina Piolo Pascual, Sir Gary. Sabi pa niya, 'Hindi pa nga sikat, hindi na nagpapa-picture. Kapag tinapatan naman ng camera, kakaway-kaway, pero mga suplado naman,'” pag-alala ng P-pop idol.
Dagdag pa ni Justin, nag-video call pa ang lalaki sa mga kakilala nito sa labas nang walang pahintulot habang itinatapat ang telepono sa kanila.
Binigyang-diin ni Justin na masakit para sa kanila na mula pa mismo sa kapwa Pilipino ang naturang “disrespectful” na pagtanggap sa kanilang pagdating sa naturang bansa.
“Based sa mga past tours naman namin, hindi naman ganoon 'yung na-experience namin. Pero, like, sa Filipino pa talaga namin mae-experience 'yung gano'n. Shoutout sa 'yo, Kuya,” dagdag pa niya.
Nagtungo ang SB19 sa Estados Unidos upang maging bahagi ng prestihiyosong Lollapalooza music festival sa Chicago, kung saan muli nilang ipinamalas ang talentong Pinoy sa pandaigdigang entablado.
Bukod dito, bahagi rin ang kanilang biyahe ng kanilang serye ng shows at appearances sa Amerika upang makasama at pasalamatan ang kanilang mga international A'TIN na patuloy na sumusuporta sa grupo.
Binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin, ang SB19 ay kilala sa kanilang mga sikat na awitin tulad ng GENTO, MAPA, DUNGKA!, at VISA.
Related Gallery: SB19 after Lollapalooza debut: 'We're beyond proud to represent PH'