
Isang powerful performance ang hatid ng SB19 leader na si Pablo nang bumisita ito sa It's Showtime ngayong Sabado (November 16).
Inawit ni Pablo ang mga kanta niyang “Butata” at “Micha” sa stage ng nasabing noontime variety show. Matapos ito, masayang binati ng guest star ang madlang people at sinabing isang karangalan ang makapag-perform sa stage ng It's Showtime.
Tinanong din ng hosts si Pablo kung ano ang hatid nitong pa-aguinaldo o regalo para sa kanyang fans.
"Ako po kasi, hindi ako masyadong active sa social media. So ngayong year, marami po akong binigay sa kanila, two albums, 'yung tour, tapos mga content na hindi ko madalas ginagawa pero dahil sa kanila, nagawa ko," ani Pablo.
Matatandaang kabilang si Pablo at ang iba pang miyembro ng SB19 na sina Stell, Josh, Ken, at Justin sa special guests ng Team Vice Ganda, Karylle, at Ryan sa naganap na “Magpasikat 2024.”
Related gallery: Celebrity special guests sa 'Magpasikat' 2024 ng 'It's Showtime'
Samantala, napapanood si Pablo bilang isa sa coaches ng The Voice Kids sa GMA.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.