
Paano kung ang iyong kapalaran pala ay nakabase sa kuwentong iyong isinulat?
Mula sa lumikha ng mga dekalibreng Korean drama na Secret Garden, Mr. Sunshine, at Descendants of the Sun, isang naiibang istorya naman ang inihahandog ng Heart of Asia sa ating mga Kapuso.
Si Gabriel (Ki Do-hoon) ay isang bathala ng kapalaran, trabaho niyang isulat ang magiging takbo ng buhay ng mga tao.
Pero nang siya ay naatasan na magsulat ng kapalaran pagdating sa pag-ibig, kinokopya niya ang mga ideya ni Charisse (Jeon So-nee), isang scriptwriter sa mundo ng mga tao. Hilig ni Charisse ang magsulat ng mga matitindi at emosyonal na drama serye.
Sa kapalarang isinusulat ni Gabriel para kay Charisse, isang mayaman, mabait, at may mabuting puso na mortal ang nais niyang makatuluyan ni Charisse. Ito ay ang television producer na si Barry (Kim Woo-seok).
Sa pakikisama ni Gabriel sa mundo ng mga tao bilang isang mortal, siya ay magpapanggap na landlord ng tinitirahan ni Charisse. Dito ay gagawa siya ng paraan upang mapalapit sa isa't isa sina Charisse at Barry.
Ngunit sa kaniyang pagpupursige na mahulog ang loob ni Charisse kay Barry, siya naman ang mas lalong napamahal kay Charisse--bagay na sisira sa sarili niyang mga plano at isinulat na kapalaran.
Bukod kina Ki Do-hoon, Jeon So-nee, at Kim Woo-seok, kabilang din sa K-dramang ito sina So Hee-jung bilang Mila, Park Sang-nam bilang Moy, at Kal So-won bilang Frances.
Kapana-panabik ang two-week special screening ng isa sa pinakamalaking drama ng GMA Heart of Asia ngayong 2021, ang Scripting Your Destiny, ngayong Oktubre na!