
Maraming napaiyak at naging emosyonal sa huling linggo ng K-drama series na 'Secret Affair.'
Napanood ng mga viewers ang mga naging pagsubok nina Santi at Helen para ipaglaban ang kanilang pag-iibigan.
Nag-umpisa ang huling linggo ng programa sa pagkikita ulit ng magkasintahan para tumakas muna sa kanilang mga problema.
Alam ni Santi kung gaano nag-aalala na si Helen sa kaniyang sitwasyon, kaya naman pinilit niyang nilibang muna ang kaniyang minamahal sa isang late-night date.
Dahil sa pagmamahal na ipinakita ni Santi, nagkaroon ulit ng lakas ng loob si Helen para harapin ang kaniyang mga problema sa trabaho.
Courtesy: Secret Affair and GMA
Para hindi siya makulong, maingat na itinago ni Helen ang lahat ng ebidensya para sa kaso ng chairman. Balak niyang gamitin itong pang blackmail sa kaniyang mga boss.
Subalit, naunang gumalaw sina Madam Han at Aiko. Dahil binabantayan na ng pulis si Helen, tinanggal na siya sa kaniyang puwesto bilang vice president ng foundation.
Pero imbes na mag-alala si Helen, kalmadong bumisita pa siya sa unibersidad ni Santi kung saan pinanood niya ang munting performance nito kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Nagpahinga rin si Helen sa bahay ni Santi kung saan kumain at nakitulog pa siya hanggang sa pag-uwi ng binata.
Masaya na sana ang magkasintahan nang biglang sumugod si Hector kasama ang mga pulis para arestuhin silang dalawa.
Pinilit kasuhan ni Hector ang kaniyang asawa ng adultery at opisyal na paghihiwalay nilang dalawa.
Dahil ayaw magkagulo pa, wala nang nagawa si Helen kundi tawagan ang abogadong asawa ni Aiko. Kapalit sa paglaya nila ni Santi, pumayag na si Helen tulungan ang abogado pabagsakin ang chairman.
Courtesy: Secret Affair and GMA
Ngayon na may kakampi na si Helen sa laban niya kay Madam Han, natakot na ang chairman sa kapangyarihang hawak na ni Helen. Kaya naman pumayag na silang tigilan ang kanilang masasamang mga plano at panatilihin ang kanilang payapang relasyon ulit sa trabaho.
Labis ang tuwa ni Helen at nakabalik na siya sa foundation. Natapos na din ang kaniyang mga problema. Dahil sa tulong din ng asawa ni Aiko, nalinis ang kaniyang pangalan kaya't magiging bagong presidente na rin siya ng foundation.
Ngunit biglang nagbago ang puso ni Helen nang makausap niya si Santi. Dahil sa nakitang maduming paraan niya para bumalik sa trabaho, nagalit si Santi sa kaniya at nagdesisyong tigilan na ang kaniyang pag-aaral sa musika.
Unti-unting nahati ang puso ni Helen at napilitan siyang mamili kung susundin niya ba ang pangarap niya sa career o ang pagtibok ng puso niya para kay Santi.
Courtesy: Secret Affair and GMA
Pagkatapos ng matinding pagdedesisyon, sa huli pinili ni Helen ang kaniyang pagmamahal para kay Santi.
Ibinigay niya ang mga ebidensya na hawak niya laban kay Madam Han at chairman. Sumuko rin siya sa pulis sa pagtulong niyang hawakan ang mga illegal accounts ng mag-asawa.
Sa huli, tuluyang nakulong si Helen habang si Santi naman ay patuloy sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap bilang musikero.
Nagwakas ang serye nang lumipad na si Santi sa ibang bansa para sa kaniyang kompetisyon habang si Helen ay masayang naghihintay ng kaniyang paglaya sa kulungan.
Courtesy: Secret Affair and GMA
Kahit malayo na sila sa isa't isa, patuloy na pinanghahawakan nila ang kanilang pangako na maghihintay kahit gaano katagal pa, hanggang sa araw na pwede na sila magsama muli.
RELATED CONTENT: 'Secret Affair' star Kim Hee-ae's timeless beauty