
May ilang taon na rin nang huling napanood sa TV at mga pelikula ang Prince of Action na si Robin Padilla, lalo na simula noong siya ay maging senador.
Kaya naman, sa pagbisita nila ng asawang si Mariel Padilla sa Fast Talk with Boy Abunda, sinagot niya ang tanong ng marami: tinalikuran na nga ba niya ang pagiging aktor?
“Hindi po. Katunayan po, katatapos ko lang nu'ng Bad Boy 3. 11 years in the making, 2014 po kami nag-umpisa ng filming, nahinto lang nu'ng pumasok ako sa politika,” pagbabahagi ni Robin sa October 28 episode ng Afternoon Prime talk show.
Pag-amin ni Robin, naging abala siya bilang isang senador kaya hindi na niya naituloy ang kaniyang proyekto. Ngunit saad ng actor-turned-politician, noong humiling ang CEO ng Viva Films na si Vic del Rosario ay kinailangan niyang simulan ito ulit.
“E nu'ng last year, nagsalita na si Boss Vic, 'Mukha yatang 'yung advance ko sa 'yo e wala nang nangyari.' Naningil, kaya po tinuloy ko,” sabi ni Robin.
Paglilinaw pa ng aktor ay tapos na ang pelikula at nasa post production na. Ayon daw kay Boss Vic ay mapapanood na ang pelikula sa December.
BALIKAN ANG 50TH BIRTHDAY CELEBRATION NI ROBIN SA GALLERY NA ITO:
Gaya ni Robin ay natigil din si Mariel sa paglabas sa TV at pelikula. Nang tanungin siya ni King of Talk Boy Abunda kung magbabalik-showbiz ba siya, ang sagot ni Mariel, “Honestly, right now, ang sagot ko, nagti-TV lang po ako tuwing birthday ni Tito Boy.”
“Because I have two girls who really need my attention right now, Tito Boy,” sabi niya.
Samantala, ito rin ang unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon na nakatungtong muli si Robin sa GMA. Pag-amin ng dating Joaquin Bordado star, marami siyang alaala sa GMA Network.
“'Yung hagdan dito, Tito Boy, tinatakbo ko 'yan, mula sa baba hanggang sa taas, 'yun ang naging ensayo ko. Dito ako sa GMA nag-e-ensayo. Ginawa ko 'yung Joaquin Bordado, kasi kailangan kong magpapayat. Nu'ng ginawa ko naman 'yung Totoy Bato, kailangan ko naman magpalaki,” sabi ni Robin.
Aniya, napaka-memorable daw ng panahon niya sa GMA lalo na at pinayagan siya ng network gawin ang mga proyektong gusto niya.
Panoorin ang panayam kina Robin at Mariel dito: