
Due to insistent public demand, magkakaroon na ng Day 4 ang reunion concert ng iconic all-female Pinoy dance group na Sexbomb Girls na Get Get Aw! The SexBomb Concert.
Kamakailan lamang ay nag-anunsyo ang SexBomb ng kanilang ikatlong araw na concert na tinawag nilang 'rAWnd 3' na gaganapin sa February 6 ngunit marami ang nadismaya dahil sa mabilis na naubos ang concert tickets para sa araw na ito.
Noong Miyerkules naman, January 7, pinasabik ni SexBomb Girls leader Rochelle Pangilinan-Solinap ang fans sa kanyang pagpo-post ng tila ba isang teaser sa extension ng kanilang concert na may caption pa na: “Hindi pa tapos ang laban!”
Ngayong Huwebes, January 8, muli na namang nag-post ang SexBomb leader at kinumpirma na ang pagkakaroon ng ikaapat na araw ng concert.
Inanunsyo ito ni Rochelle sa kanyang Instagram sa pamamagitan ng pagpo-post ng official poster ng 'rAWnd 4' ng reunion concert.
“Sigaw ng mga pinalaki ng Sexbomb...ONE MORE rAWnd!!!” sulat ni Rochelle sa kanyang caption.
Pabiro pa niyang dinugtungan ang caption ng: “Madali kaming kausap eto na….rAWNd 4!”
Maraming mga fans ang nagpahayag ng kanilang excitement at pag-aabang sa dagdag na araw ng reunion ng iconic female dance group ng bansa.
“Naka-notif talaga posting mo mama rochelle!!! Inaabangan ko to! Hahahaha” pabirong comment ng isang fan.
“Mga ate ko, wag kayo tumigil kahit ilang rawnds pa abutin,” biro pa ng isa.
Inilagay rin ni Rochelle sa kanyang caption ang mga detalye tungkol sa pagbili ng tickets: “Tickets on sale TODAY at 5pm via SM Tickets online, SM Cinema outlets and MOA Arena Box Office.”
Katulad ng 'rAWnd 3' sa February 6, gaganapin din ang 'Get Get Aw! rAWnd 4' sa Mall of Asia Arena, ngayong February 7.
Makakasama ni Rochelle sa concert ang ilan pa sa mga original members ng SexBomb na sina Aira Bermudez, Jopay Paguia, Sunshine Garcia, Mia Pangyarihan, at iba pa.
Ang concert nila ay ididerehe nina Paolo Valenciano at Nico Faustino, at mula sa produksyon ng NY Entourage Productions.
RELATED CONTENT: The many times the SexBomb Dancers proved sisterhood is forever