
Binalikan ng SexBomb member na si Jopay Paguia ang kantang hango sa kaniya ng OPM band na Mayonnaise sa February 11 episode ng GTV cooking talk show na Lutong Bahay kasama sina Jenzel Angeles at Hazel Cheffy.
“Ang kuwento diyan, sa 'Jopay' na 'yan, noong 2003 sobrang kasagsagan ng SexBomb noon. Lagi kaming nag-ta-travel,” kuwento nito. “Tapos noong time na 'yan meron akong show. Biglang mayroong lumapit sa akin tapos [sinabi sa akin], 'Jopay, Jopay! Para sa'yo' [tapos] binigyan ako ng cassette tape.”
Aminado naman si Jopay na hindi niya gaanong nabigyang-pansin ang natanggap na cassette tape at isang beses niya lang itong napakinggan dahil na rin sa busy schedule ng kaniyang grupo, “Hindi talaga siya nag-sink in sa akin.”
Ngunit nagbago raw ang lahat nang isang araw ay marinig niya ang kanta sa radyo at sinabing pamilyar sa kaniya ang tono.
Kuwento ni Jopay, “Sumakay ako ng taxi, [...] biglang 'yung tumutugtog parang familiar sa akin 'yung music. Parang narinig ko na. Kasi isang beses ko lang narinig 'yun, e. Tapos 'yung taxi, [sabi] 'Ay, may kanta 'yung SexBomb, oh!' e, hindi alam ng taxi driver na [SexBomb member] 'yung sakay niya.”
“Kinilig ako na parang ang laki pala ng impact ng [kanta]. Hindi ko rin alam na 'yung [Mayonnaise] pala, sumisikat na kasi nga ang buhay ko [ay] nasa SexBomb,” pag-amin nito.
Masaya rin nitong ikinuwento na, pagkatapos ng maraming taon, ay nagkita na sila ng Mayonnaise noong 2023 at inawit pa sa stage ang kantang inspired sa kaniya.
“Nagkita kami sa isang acoustic bar kung saan tumugtog 'yung cousin ko. Naki-jam ako sa kanila. 'Yan 'yung hindi ko makakalimutan na memories namin ni Monty (vocalist ng Mayonnaise,” kuwento ni Jopay kina Jenzel at Hazel Cheffy.
Thankful din daw ito na patuloy itong tinatangkilik ng mga OPM fans.
“Sobrang thank You, Lord, kasi hanggang ngayon hindi siya nawala…” ani Jopay.
Panoorin ang Lutong Bahay episode ni Jopay dito:
TINGNAN ANG SEXBOMB GIRLS NA MOMMIES NA NGAYON