
Napaiyak si Kapuso Actress Shaira Diaz nang malamang siya ang makakatambal ni Ruru Madrid sa Lolong, ang action-adventure series ng GMA Public Affairs.
Gagampanan niya ang papel ni Ria, isang misteryosong babaeng bihasa sa pakikipaglaban. Aniya, "Ginawa ko talaga ang best ko upang mapili sa role na ito. Gustong-gusto ko po talagang makagawa ng teleserye na may action scenes at masusubok ng aking kakahayan.”
Unang beses ni Shaira na magbibida kaya naman kinakabahan siya lalo na dahil malaking proyekto ang Lolong. Pero kampante raw siya dahil si Ruru naman ang makakasama niya. “Excited akong makatrabaho si Ruru. Magaling na artista 'yan. First time ko ring gagawa ng show sa Public Affairs, kaya excited akong makatrabaho silang lahat.”
Si Ruru, excited din daw na makakasama niya si Shaira. “Hindi ko pa nakatrabaho before si Shaira, pero napapanood ko na 'yan. Magaling siya. Saka game na game 'yan sa mga eksena.”
Ayon sa direktor ng programa na si Rommel Penesa, asahan daw na bago ang kuwento at talagang pinaghandaan ang malalaking eksena ng Lolong. “May car chase, may takbuhan sa roof top, may fight scene sa helicopter, may underwater scenes. Lahat na yata gagawin namin sa show na ito.”
Unang beses ng GMA Public Affairs na gagawa ng action - adventure series na may halong fantasy kaya talagang mabusisi ang ginagawang paghahanda ng buong production at creative team ng Lolong.
Sabi ng head writer ng programa na si Erwin Caezar Bravo, “Itotodo na namin para sa mga viewer natin. Maraming pinagdadaanan lahat, kaya sana makagawa kami ng programang kahit paano makakapagpasaya sa mga tao.”
Abangan sina Ruru Madrid at Shaira Diaz sa Lolong, malapit na sa GMA.