
Tunay na hindi malilimutan ng newly weds na sina Shaira Diaz at EA Guzman ang kanilang kasal noong August 14. Ngunit ayon sa dalawa ay mayroon pa rin silang espesyal na pagkakataon na talagang tumatak sa kanila.
Sa pagbisita nila sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, August 20, tinanong ni King of Talk Boy Abunda kung ano ang pipiliin nilang pagkakataon sa kanilang kasal na hindi nila malilimutan. Para kay EA, iyon ay noong yakapin niya ang daddy ni Shaira na si Daddy Rudy.
Paliwanag ng aktor, “Kasi bago 'yung kasal, nag-usap kami ng daddy niya, that was 12 years ago, first year namin. Masinsinan na sinabi niya sa akin 'Ed, kapag na-keep mo 'yung promise mo sa'kin na as in malinis si Shaira, pagka nagkita tayo sa altar, sa simbahan, 'pag niyakap mo 'ko, 'yun, napakasarap na pakiramdam ang mararamdaman mo.' Which is true na 'yun po 'yung naramdaman ko.”
Naging memorable din umano ito sa Bubble Gang star dahil sa pagyakap niya sa Daddy ni Shaira, naisip din niya ang sariling ama na matagal na ring pumanaw.
TINGNAN ANG K-DRAMA INSPIRED NA WEDDING NINA SHAIRA AT EA SA GALLERY NA ITO:
Para naman kay Shaira, lahat ng parte ng kasal nila ay maganda ngunit hindi niya malilimutan, bukod sa memorable vows nila, ay noong ibigay na siya ng mga magulang niya sa mapapangasawa.
“Siyempre sobrang tagal nila akong iniingatan so 'yun. Kaya nga sabi ko, nu'ng nagsasayaw kami ng daddy ko, 'Dad, thank you kasi approve ka kay EA.' Sabi ko talaga, ganu'n. Nagpapasalamat talaga ako kasi pinaghirapan ni Edgar 'yun, makuha 'yung loob ng family ko, 'yung trust nila, and 'yung tiwala na ito, hindi mo ako pababayaan,” saad ng iBilib host.
Memorable din umano para kay EA ang first dance nila ng kaniyang mommy kung saan in-enjoy niya lang ang moment nilang iyon kahit naiiyak na siya. Pagbabahagi ng aktor ay pinipigilan lang niya ang iyak at nakatawa lang sa kaniyang ina para gawin ito.
“Tinititigan ko lang siya and sinasabi ko sa kanya lagi na habang sinasayaw ko siya na nandito lang ako, nandito lang ako palagi,” pagbabaliktanaw ni EA.-