
Usap-usapan ngayon sa social media ang latest vlog ni Megastar Sharon Cuneta kung saan ibinahagi ng batikang singer-actress na hindi siya pinapasok sa isang Hermes Fashion House sa isang mall sa South Korea.
Sa nasabing YouTube vlog nitong Biyernes, September 30, mapapanood na masayang naglilibot si Sharon sa Seoul kasama ang mga kapamilya at kaibigan, isa sa kanilang itinerary ay ang mag-shopping pero nang magtungo sila sa isang Hermes shop ay hindi sila pinapasok.
"Pumunta ako dito para bumili ng sinturon sa Hermes, ayaw akong papasukin," ani Sharon sa kanyang vlog.
Hindi na rin idinetalye pa ni Sharon kung bakit hindi siya pinapasok sa store ng nasabing signature brand. Pagkatapos nito ay nagtungo na lamang si Sharon at ang kanyang mga kasama sa katabing Louis Vuitton shop kung saan agad siyang inasikaso ng staff dito at binigyan pa siya ng isang bote ng champagne, at mga bulaklak.
Makikita rin sa nasabing vlog na halos hindi na mahawakan ng mga kasama ni Sharon ang kanyang mga pinamili dahil sa dami nito. Maya-maya pa ay muling dumaan ang Megastar sa shop kung saan siya hindi pinapasok at kumaway pa sa lalaking bantay nito.
"See, I bought everything," masayang sinabi ni Sharon.
Sa ngayon, mayroon nang nasa halos 500,000 ang views ng nasabing vlog ni Sharon na pinamagatang "MEGA Travels - Seoul Part 3."
SILIPIN NAMAN ANG NAGING FITNESS TRANSFORMATION NI SHARON CUNETA SA GALLERY NA ITO: