
Kinaaliwan ng netizens ang pagbabalot ng handa ni Megastar Sharon Cuneta sa birthday ng kanyang pinsang si Quezon City Vice Mayor Gian Sotto, anak ng tita niyang si Helen Gamboa at asawa nitong si Tito Sotto.
Binansagan siyang "original Sharonian" ng netizens matapos magdala ng container at lagyan ito ng pagkain ng bilang take home.
Sa salitang kolokyal, "Sharon" ang tawag sa taong nagbabalot ng tirang handa matapos ang isang handaan. Hango ito sa sikat na kanta ng batikang singer/actress na "Bituing Walang Ningning" na may linyang "Balutin mo ako" sa chorus, kaya naman isinunod ito sa pangalan ng Megastar.
Nakunan ito ng video ng pinsan ni Mega at kapatid ng birthday celebrant na si Ciara Sotto at in-upload sa Instagram.
Mapapanood dito na naglalagay si Sharon ng Japanese food sa isang puting container bilang pasalubong sa kanyang asawa at mga anak. Nakapagbalot din daw siya ng sushi, ayon sa video.
Aniya, nagpaalam naman siya bago mag-"Sharon" ng handa.
Sulat ni Ciara sa caption, "Si Sharon, Shuma-Sharon."'
Ang ina ni Sharon na si Elaine Gamboa ay kapatid ng beteranang aktres na si Helen Gamboa.