
Nagbigay ng update ang first-time expecting mom na si Sheena Halili tungkol sa kanyang pagbubuntis.
Ayon sa kanyang Instagram account, nahirapan siyang makakain noong mga nakalipas na linggo. Maaalalang umabot sa puntong inayawan ni Sheena pati na ang lasa ng tubig at amoy ng kanin.
Gayunpaman, mas maayos na daw ang kanyang lagay ngayon.
Aniya, “I'm happy nakakakain na ako uli nang maayos. Nawala na 'yung selan ng pang amoy ko pagdating ng 14th week namin ni baby. I love fruits lalo na cherries, kiwis, mangos & apples, I love cold drinks, I love coconut water, I love crabs, paminsan minsan na sweets. And I love my husband. Siya yata talaga pinag-lihian ko.”
Nagpapasalamat din ang aktres sa mga nagpapadala sa kanya ng mensahe at paalala ngayong nagdadalang-tao siya. Nilinaw din niyang ginagabayan naman siya ng kanyang doktor sa kung ano ang puwede at hindi puwede sa kanya ngayon.
ALSO READ: Sheena Halili, mas naging protective sa sarili dahil sa pagbubuntis
Wika ni Sheena, “Sa mga nagtuturo sa akin ano dapat at hindi dapat kainin salamat po sa concerns ninyo pero lahat ay approved sa OB ko and like you nag-re-research rin po ako to be the best mom kay baby!”
Inanusyo ni Sheena ang kanyang pagbubuntis noong June 13 kung kalian 13 weeks na sa kanyang sinapupunan ang magiging panganay nilang anak ni Jeron.
Ikinasal ang aktres at ang kanyang abogadong asawa noong February 2020.