
Patuloy na tumitindi ang mga eksena sa GMA Afternoon Prime series na Shining Inheritance, na pinagbibidahan nina Kyline Alcantara at Kate Valdez, Paul Salas, Michael Sager, at Ms. Coney Reyes.
Sa episode nitong November 14, itinalaga na si Joanna (Kyline Alcantara) bilang bagong CEO ng De La Costa Food Corporation.
Matatandaan na sinabi ni Atty. Charlie (Wendell Ramos) kina Joanna, Euan (Michael Sager), Sonia (Aubrey Miles), Lani (Glydel Mercado), at Aimee (Roxie Smith) na wala nang bisa ang deed of donation kay Inna at disinheritance will na ginawa ni Aurea dahil sa kanyang kondisyon na Alzheimer's disease.
Ipinaliwanag ng doktor sa pamilya ni Aurea na maaaring mas lumala ang kanyang kondisyon sa mga susunod na linggo at buwan at kakailanganin niya ang suporta ng kanyang pamilya.
Kinompronta ni Euan si Inna para sabihin ang pagkadismaya nito sa dalaga at sa paniniwalang mabuti itong tao. Anang binata, tila nagkamali siya at hindi na siyang muling magtitiwala pa sa huli.
Samantala, nalaman ni Joanna na pineke lamang ni Charlie ang deed of donation para maging sandata sa pagpapatalsik kay Inna sa De La Costa Food Corp., ngunit ipinaliwanag ng abogado ang buong plano niya para tuluyang makumbinsi ang una.
Labis na ikinagulat ni Inna nang pagdating niya sa opisina na hindi na siya ang CEO ng kumpanya dahil inanunsyo na ni Charlie si Joanna sa nasabing posisyon.
Sa episode ngayong Biyernes (November 15), itatakas si Aurea para hindi na makita ni Inna at pagkakaisahan pa ang huli.
Patuloy na sumubaybay sa Shining Inheritance tuwing Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.