
Nagpaalam na si Shuvee Etrata sa kaniyang karakter na si Tonet Mendoza sa The Master Cutter.
Ang emosyonal na pamamaalam ni Tonet ay tinutukan at iniyakan ng mga manonood sa GMA.
Ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa 24 Oras, ipinakita ni Tonet kung paano niya ipinaglaban hanggang sa huli ang mga taong mahal niya. Kuwento ni Shuvee, "Nakakalungkot pero ipinaglaban niya. Sana ang nakita ng mga fans or ng mga viewers natin how far can she go for love."
Saad pa ng aktres na si Shuvee na ang pagmamahal ni Tonet ay kayang magsakripisyo ng sarili niyang buhay.
"Yung parang kaya niyang magsakripisyo para sa mga taong mahal niya. Ganoon siyang klase magmahal, kaya isakripisyo 'yung sarili niya."
"Pasensya na po kung kailangang matapos ang journey ni Tonet Mendoza. Nagpaalam siya nang may paninindigan at may ipinaglalaban."
Inilahad din ng Sparkle artist ang epekto ni Tonet sa kaniya pagdating sa pag-arte. Ani Shuvee, "Tonet made me feel so comfortable acting-wise. Oo, may acting, pero ako lang din 'yun."
Sa huli ay nagbiro pa si Shuvee pagkatapos niyang aminin na nami-miss niya ang mga nakasama sa The Master Cutter.
"Lahat-lahat ng bumubuo ng The Master Cutter, nami-miss ko sila araw-araw. Parang nasa GC (group chat) pa rin nila ako. Magkasama sila ngayon. Abangan ninyo, magmumulto ako diyan sa inyo."
Samantala, mapapanood si Shuvee sa bagong seryeng Code Grey kung saan bibida ang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards.