
Hindi napigilan ni Sid Lucero na maging emosyonal sa premiere ng Alon ng Kabayanihan, isang short film tungkol sa kinakaharap ng mga mangingisda at military forces ng bansa sa West Philippine Sea (WPS). Ginanap ito noong Lunes, Agosto 25, Araw ng mga Bayani, sa Gateway Cineplex 18 sa Cubao, Quezon City.
Sa Alon ng Kabayanihan, gumaganap si Sid bilang mangingisda.
Bago matapos ang pelikula, humarap ang aktor sa kamera at sinabi ang makabuluhang linya na "Hindi ito pelikula, totoong buhay 'to."
Naluha naman si Sid nang mapanood nang buo sa unang pagkakataon ang advocacy film, na produced ng CIRIS (Center for Information Resilience and Integrity Studies) kasama ang Hot and Fresh Creative Productions, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Aniya, sa dinami-rami ng proyektong ginawa niya, ito ang pinakaimportante sa lahat. "This project made me realize how deeply interconnected we all are. When it comes to protecting what's ours, no Filipino is ever too far removed from the fight.”
Dumalo naman sa launch ng Alon ng Kabayanihan ang mga tunay na mangingisda na nakasama ni Sid sa pelikula. Doon ay binigyang-pugay sila para sa tapang na kanilang ipinapakita sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Layunin din ng pelikula na ipaalala sa madla na hindi lang ito laban ng mga frontliners, kundi responsibilidad ng bawat Pilipino na magkaroon ng kaalaman pagdating dito, ayon kay CIRIS Executive Director Michel Andre P. Del Rosario.
Sabi ni Del Rosario, “This film shows that heroism isn't limited to those on the frontlines. Every Filipino has a role to play--whether by staying informed, challenging disinformation, or simply standing united in defense of what is ours."
Bukod kay Sid, tampok din sa Alon ng Kabayanihan sina Ryza Cenon at Carlo Aquino. Mula ito sa direksyon ni Kevin Mayuga.
Mapapanood ang short film sa official Facebook page ng Alon ng Kabayanihan.
Samantala, kasalukuyang napapanood si Sid sa GMA, Viu, and CreaZion Studios drama series na Beauty Empire.
RELATED CONTENT: Celebrities who brought Filipino heroes to life onscreen