
Para sa selebrasyon ng kanilang mahigit dalawang dekada sa music industry, inanunsyo ng Silent Sanctuary noong June 15 ang kanilang first major solo arena concert na Gabi ng Lambing, na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa October 25.
Pero hindi inaasahan ng OPM band na agad na maso-sold out ang kanilang concert sa loob lamang ng limang oras nang magbukas ang ticket selling nito noong June 25.
Pag-amin ng vocalist at guitarist na si Raymund "Sarkie" Sarangay, bago pa man magsimula ang ticket selling ay nag-aalala na ang banda sa kalalabasan nito.
"Bago mag-ticket selling sobrang anxious kaming lahat, parang 'Ano kaya magiging turnout nito'? Dumating 'yung ticket selling, ako personally, hindi ko tinitingnan 'yung queuing. Ayokong mag-expect talaga," sabi niya.
"Siguro lahat naman kami, hindi kami nag-e-expect na gano'n mangyayari no'n kasi talagang hindi namin ini-expect na ganoon din karami 'yung gustong manood sa amin. At siyempre, humble lang din kami."
Ayon sa cellist na si Anjo Inacay, may plano na rin daw ang banda noon kung sakaling hindi agad na maubos ang tickets para sa kanilang concert.
"Nakaplano na nga 'yung mga promotional na gimmick namin with the prod, 'Oh by August, ganito 'yung gagawin natin, makakabenta pa tayo. By September, kung hindi pa siya sold out, ito 'yung activities, magti-ticket selling tayo sa mga ticket stations sa SM. Naka-plot na with the production. But, thankfully, hindi namin kailangang gawin 'yon for now," natatawang pagbabahagi niya.
Ipinarating din ng miyembro na si Poch Villalon ang "relief at pressure" na nararamdaman ngayon para sa upcoming "Gabi ng Lambing" concert.
"Ako medyo may sigh of relief, at the same time, 'yung pressure nga was on us na kasi syempre 'yung expectations naman ng fans and the people na pupunta sa concert 'yung gusto naman naming higitan 'yung expectations nila. Kaya ngayon pa lang nagpe-prepare na rin kami for that day."
Dahil sa malaking demand ng mga gustong makapanood ng kanilang Gabi ng Lambing concert, nagdagdag ang Silent Sanctuary ng Reverse Day 2, na magaganap sa October 24 sa SM Mall of Asia Arena.
Magsisimula ang ticket selling para sa Gabi ng Lambing Reverse Day 2 sa July 18 ng 12:00 p.m. via SM Tickets outlets nationwide at online sa https://www.smtickets.com/tickets/GabiNgLambing.
Related content: