
Paparating na ang pinakabagong jeepney anthem sa paglabas ng bagong single ng OPM band na Singco Mano, ang "Manong ('Wag Po)," na mapapakinggan na ngayong Biyernes, April 17, sa iba't ibang digital music platforms worldwide.
Ayon sa Singco Mano, "straight-from-the-heart" ang kanilang bagong awitin na "Manong ('Wag Po)" at mula mismo sa pinagsama-sama nilang love experiences.
Kuwento ng banda, isinulat nila ang kanta habang nasa isang coffee shop sa may MacArthur Highway sa Angeles, Pampanga.
"'Yung latest single po namin, actually, it was written in a coffee shop. It was a rainy day. Sa amin, mayroon kaming tinatawag na MAcArthur Highway, tinatamaan po ang Angeles ng MacArthur Highway. Madalas po roon kami tumatambay, mga coffee shop do'n. Ruta po 'yon ng napakaraming jeep," sabi ng bokalista ng banda na si Paul Santana.
"We wrote something, 'Ano bang experiences nating mga lalaki na pwede nating i-compile?' I think that's love. So, our experiences in love, heartaches, heartbreaks, fear of missing out, we compiled it into one.
"Paano ba natin ikukuwento? Simple lang, sakay tayo ng jeep. Doon nabuo 'yung bago naming single, 'Manong ('Wag Po).'"
Ang "Manong ('Wag Po)" ang ikalawang awitin ng Singco Mano kasunod ng debut single nilang "Ulan," na inilabas noong October 2025.
Binubuo ang Singco Mano nina Paul Santana, Gello Roque, David Legaspi, Nate Mendoza, at Ernest Suing. Noong January 2026, opisyal silang pumirma ng recording contract sa AltG Records.