
Nagbabalik-telebisyon ang kinagiliwan at pinag-usapang telefantasya na Sirkus.
Sa August 10 episode ng Sirkus rerun, hindi naging madali ang pagtunton nina Mia (Mikee Quintos), Lola Waya (Gina Alajar), at Martel (Andre Paras) sa kampo ni La Ora (Cherie Gil).
Maraming pinagdaanang pagsubok ang tatlo para makarating sa kuta ng pinakamabagsik na salamangkera.
Sa kanilang pagpasok sa puno ng Balete, nalaman ni Mia na nahulog siya sa patibong ni La Ora dahil si Lola Waya ay kampon pala ni La Ora.
Humingi naman ng tawad ang matanda sa dalaga dahil wala itong nagawa para mailigtas siya.
Naglaban naman sina La Ora at Lola Waya pero natalo ng huli.
Alam ni Mia ang tanging hangad ni La Ora at ito ay matunton ang portal para makabalik sa nakaraan para mapasakanya ang Sentro.
Bilang isang Tempus o taong may kapangyarihang makontrol ang oras, may kakayahan si Mia na mabuksan ang portal.
Pero gagawin niya lang ito sa isang kondisyon--kailangan ipakita ni La Oras kay Mia ang mga magulang nito bago buksan ang portal.
Hindi tumupad sa usapan si Mia na labis na ikinagalit ni La Ora.
Dahil nasa bingit ng panganib si Mia, to the rescue naman si Miko (Mikoy Morales) at mga kaibigan nilang salamangkero.
Patuloy na subaybayan ang pagtuklas nina Miko at Mia sa makulay at misteryosong mundo ng salamanca sa Sirkus tuwing Martes, 11:30 p.m., pagkatapos ng Saksi sa GMA.
Sa mga nais balikan ang full episodes ng Sirkus, pumunta lang sa GMANetwork.com o GMA Network app.
Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang www.gmapinoytv.com para sa iba pang impormasyon kung paano mapapanood overseas ang GMA fantasy series.
Ang Sirkus ay pinagbibidahan nina Mikee Quintos at Mikoy Morales sa papel na Mia at Miko.
Tampok din dito ang mga batikang aktor na sina Gardo Versoza bilang Leviticus at Cherie Gil bilang La Ora na mortal na magkaaway sa Sirkus.
Hatid naman nina Andre Paras, Sef Cadayona, Chariz Solomon, at Klea Pineda ang nakamamanghang mahika sa tulong ng computer-generated imagery (CGI) effects.
Kabilang din sa Sirkus sina Divine Tetay at Gerry Acao bilang mga nakakaaliw na tauhan ni La Ora.
Ang Sirkus ay mula sa direksyon ni Zig Dulay.