
Bilang mga atleta na maraming tagahanga, hindi rin maiiwasan na mayroong ilang bashers ang volleyball superstars na sina Sisi Ronda at Eya Laure.
Sa katunayan, noong 2024 ay umani ng pamba-bash ang una dahil sa interaksyon niya sa SB19 sa Korea.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, nilinaw naman nina Sisi at Eya na hindi na sila apektado pa ng bashing mula sa tao.
Pagbabahagi ni Eya, natutunan niyang i-filter ang mga komentong natatanggap, at mas isinasapuso ang komento ng mga taong tunay na nakakakilala sa kaniya.
“Hindi na po. I think 'yung sa bashing talaga, natutunan ko du'n is kung ano 'yung nagma-matter—kung sino 'yung nakakakita ng paghihirap mo, sila 'yung parang may [alam] kung ano 'yung kailangan ko pang i-improve sa sarili ko,” sabi ni Eya.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA KILLER RESPONSE NG CELEBRITIES SA KANILANG BASHERS SA GALLERY NA ITO:
Samantala, binalikan naman nina Sisi at King of Talk Boy Abunda ang bashing na natanggap niya noong 2024. Ayon sa volleyball star, hindi naman niya intensyon noon na maka-offend, at sinabing malaki ang natutunan niya sa pangyayari.
“Like being more conscious, kung hindi naman kilala, maging maingat na lang. Naka-move on naman lahat and thankful naman ako nakapag-usap na rin both sides,” sabi ni Sisi.
Bumisita kasi noon sa Korea ang Alas Pilipinas kung saan miyembro ang naturang volleyball star.
Sa isang event, tinanong ng Philippines' national volleyball team kung kaninong performance ang gusto nilang sunod na makita. Sinagot ng fans ang pangalan ng SB19, at sinundan ito ni Sisi na Starbucks lang ang alam niyang SB.
Dahil dito, maraming fans ang nagalit, at marami rin naman ang nagtanggol sa volleyball star. Humingi naman agad ng paumanhin si Sisi at sinabing aminado siyang hindi niya kilala ang P-Pop group, bagay na naintindihan naman ng grupo, na ibinahagi ni Pablo sa isang Tweet.
“Respect and acknowledge na hindi lahat ng tao, aware or kilala ang grupo namin. Hindi sa lahat ng oras, everyone will hold a favorable opinion of us. THAT'S FINE! Lahat tayo may effort na iangat ang Pinoy. Hindi kailangan ikumpara kung sino mas magaling o mas maraming nagawa. Lahat may pinaghirapan, lahat may nilalaban,” sulat ni Pablo.
Panoorin ang panayam kina Sisi at Eya dito sa video sa itaas.