
Isang maganda at masayang sorpresa ang dumating kay Born to Shine star Smokey Manaloto dahil inanunsyo niyang buntis muli ang kaniyang non-showbiz wife na si Cassie Brazal.
Sa Instagram, nag-post si Smokey ng baby clothes na may nakasulat na “coming soon,” isang brown teddy bear, picture ng sonogram, at isang pregnancy test kung saan nakasaad na positibo ang resulta.
Caption ni Smokey sa kaniyang post: “Akala namin alam na namin ang pagmamahal… pero eto na naman, mas lumalalim, mas lumalaki. Our hearts are growing again as we welcome our second little miracle.”
Pagpapatuloy pa ng aktor, “Hindi lang pamilya ang nadadagdagan—mas dumadami rin ang dahilan para magmahal habang buhay.”
Sa hiwalay na video kasama ang kanyang Home Along Da Riles family na sina Nova Villa, Boy2 Quizon, Vandolph Quizon, Claudine Baretto, Maybelyn dela Cruz, Gio Alvarez, at Dang Cruz na kasama rin niya sa Born to Shine, ibinahagi nila ng asawang si Cassie ang gender ng kanilang baby.
Kanya-kanya namang hula ang Riles family kung boy o girl ang magiging anak ni Smokey. Pero ayon sa aktor, “Kahit ano, okay sa 'kin.”
Sa pagputok ng poppers at paglipad ng pink na confetti, kasabay ng paghiwa ng aktor ng cake at paglabas ng pink na loob nito ay naghiyawan ang Riles family para sa baby girl nina Smokey at Cassie.
Pinasalamatan din ni Smokey ang lahat para sa kanilang suporta at pagsama nila sa kaniya.
BALIKAN ANG ILAN SA CUTE PHOTOS NI KIKO, ANG UNANG ANAK NI SMOKEY, SA GALLERY NA ITO:
Matatandaan na noong taong 2022, sa edad na 51, nang opisyal na maging ama si Smokey nang ipinanganak ang panganay niyang si Kiko. Nagpasalamat siya sa Panginoon noong mga panahon na iyon para sa Christmas gift na ibinigay sa kaniya.
“'Smo-Kiko.' Lord… maraming salamat po sa Christmas Gift na binigay niyo po sa akin nung August 4 [heart emoji],” caption ni Smokey sa kaniyang post.
Samantala, sa panayam sa kaniya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong March 5, sinabi ni Smokey na isang “welcome accident” ang pagkakaroon niya ng anak, lalo na at matagal na niynag pinapangarap ito.
“I've always wanted to have a kid, Kuya Boy. Kaso lang, ang problema, I haven't found the perfect partner to have a kid with. And now, I'm very happy, very satisfied that the person I am with right now, I can truly say is my soulmate,” sabi ng aktor.
Sa naturang GMA Afternoon Prime talk show din niya kinumpirma na na-diagnose ang anak na si Kiko ng autism.
“He's in the spectrum and it's tough, pero every milestone — alam mo, napapansin ko nga na ibang tao, they take for granted 'yung maliliit na mga bagay na nagagawa ng anak. Pero for a parent who has a kid who's on the spectrum, the small things mean a lot,” sabi ni Smokey.