
Hindi ito prank, mga Ka-bagang!
Bahagi ng ng primetime series na Lolong: Pangil ng Maynila ang social media star na si Nanay Ganda o Leonida Aguinaldo.
Sumikat online si Nanay Ganda dahil sa mga kulitan videos nila ng anak na si Lester bilang mother and son tandem na The Aguinaldos.
Ngayon, isa si Nanay Ganda sa mga karagdagang cast ng Lolong: Pangil ng Maynila.
Gumaganap siya dito bilang Aling Susie, ang "soafer tsismosa" na may-ari ng isang sari-sari store malapit sa Navotas Fish Port.
Isa ang karakter niyang si Aling Susie sa mga bago at makukulay na karakter na makikilala ng bidang si Lolong, played by primetime action hero Ruru Madrid, sa pagkakapadpad niya sa Maynila.
Tuwang-tuwa si Nanay Ganda kay Ruru at kinikilig pa dito habang nagshu-shoot sila ng isang dance video.
Tila isang biyaya ang pagkakasama niya sa serye dahil dumaan si Nanay Ganda sa malaking pagsubok nitong nakaraang buwan.
Nasunog kasi ang puwesto ng negosyo niya dalawang araw bago ang soft opening nito.
Buti na lang at walang nasaktan sa kanyang pamilya pero natupok ang mga kagamitan at ilang food supplies na nasa shop.
Gayunpaman, balik na siya at anak niyang si Lester sa paghahatid ng good vibes online.
Good vibes din kaya ang hatid niya bilang Aling Susie sa Lolong: Pangil ng Maynila?
KILALANIN ANG IBA PANG BAGONG TAUHAN NA MAKAKASAMA SA LOLONG: PANGIL NG MAYNILA:
Samantala, nagsimula ang kuwento ng Lolong: Pangil ng Maynila pitong taon matapos lisanin ni Lolong ang Tumahan.
Mapapadpad siya sa mas mabagsik na mundo ng Maynila at magtatrabaho siya bilang kargador sa fish port sa umaga. Sa gabi, armadong tauhan siya ng big boss na si Manuel (Rowell Santiago) at unti-unting pinaplano ang paghihiganti niya sa underground crime boss na si Julio (John Arcilla).
Abangan ang mas matalas na pangil na hustisya sa bagong yugtong Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.