
Tampok ang former Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 housemates na sina Kapuso actress Sofia Pablo at Kapamilya actor Iñigo Jose sa opisyal na music video ng kantang "Sinayang Mo," ang pinakabagong kolaborasyon ng mga Filipino rappers na sina Paul N Ballin at Nateman Asian.
Sa isang kamakailang post sa Instagram, ipinasilip ng dalawang rapper ang opisyal na teaser ng nasabing music video. Sa maikling patikim, pumatok agad sa netizens ang role ni Sofia bilang isang masayahing waitress sa isang restaurant.
Dito ay makikitang haba-haba ang pila ng mga lalaking nagtatangkang bihagin ang kanyang puso, ngunit sa kalagitnaan ng eksena ay biglang papasok si Iñigo na tila inunahan ang lahat sa pagkuha ng atensyon ng dalaga.
Bago pa man ang opisyal na paglabas ng music video, hindi na mapigilan ng mga tagahanga ang labis na kilig sa tambalang 'Sofiño.' Umani na ng positibong reaksyon at suporta ang comments section ng inilabas na teaser galing sa kanilang mga supporters.
“Woww yayyy may MV na sofiño!! Congrats!!! Nakaka-excite,” sulat ng isang fan sa comments.
“SEATED! Congratulations @inigojose._ and @sofiapablo!” pahayag ng isa pa.
“Let's goooo SOFIÑO,” ani ng isang fan.
“OMG? Sofiño in a music video??? SEATED,” komento ng isa.
“WAAA THIS IS IT! @sofiapablo @inigojose._,” sabi pa ng isang fan.
Kamakailan, naging tampok din si Sofia sa music video ng kantang "Krazy" ng OPM singer na si Rob Deniel.
Hindi rin ito ang unang beses na nakitang magkasama ang dalawa kamakailan. Noong nakaraang buwan ng Hulyo, matagumpay nilang idinaos ang kanilang fan meet na pinamagatang Sofiño: Our Own World kung saan nakasama nila ang kanilang loyal fans.
Bukod pa rito, kamakailan lang ay namahagi rin sila ng tulong at naghatid ng saya sa mga kabataan sa isang charity event na ginanap sa isang simbahan sa Mandaluyong City.
Unang nabuo ang magandang samahan nina Sofia at Iñigo sa loob ng Bahay ni Kuya noong PBB Celebrity Collab Edition 2.0. Unang lumabas ng bahay si Iñigo kasabay ng Kapuso actor na si Lee Victor noong Disyembre 2025, habang sumunod namang na-evict si Sofia noong Enero kasama ang Kapamilya actress na si Eliza Borromeo.
Related Gallery: Sofia Pablo spreads kindness to kids in Mandaluyong City