
Ramdam na ang excitement para sa upcoming horror film ng GMA Pictures at Mentorque Inc. na Huwag Kang Titingin.
Bukod sa hatid nitong chilling experience sa mga sinehan, inaabangan din ng fans ang pagsasama-sama ng kanilang mga paboritong stars.
Lalo na't kasama sa cast ang ilang dating housemates mula sa dalawang season ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Kabilang sa mga artista mula sa unang season sina Charlie Fleming, Michael Sager, Kira Balinger, Josh Ford, at special participation ni Shuvee Etrata.
Mapapanood din sa pelikula ang mga recent housemate na sina Sofia Pablo at Marco Masa.
Sa isang exclusive interview, ibinahagi ng season two stars ang kanilang karanasan na makasama ang mga PBB alumni.
"Ang saya kasi kitang-kita mo rin 'yung bond nila na [nabuo]. So noong magkakasama kaming lahat, sobrang gulo namin guys," ani Sofia.
Dagdag naman ni Marco, "It's really fun! Honestly, hindi ko na feel na nagte-taping kami ng horror movie. Pagka may behind-the-scenes, makikita niyo na parang ang saya-saya lang namin. Nagkukulitan lang kami. Pero what I like about it is kapag intense na 'yung eksena, work muna."
Naging daan daw ang pelikula upang mas makilala nila ang isa't isa at lalong tumibay ang kanilang samahan.
"Ako si Charlie talaga. Even before our taping, si Charlie, sobrang close ko na talaga siya. Mas nakilala [at] naka-bonding ko siya sa Huwag Kang Titingin," kwento ni Marco. " At si Charlie nagpakilala naman sa akin kay Kira."
Para naman kay Sofia, mas malapit siya sa kanyang Ate Shuvee.
"'Di lang ganoon ka-visible pero lagi kaming nagkaka-chat. Tapos 'pag nagkikita, kwentuhan. Even noong nasa loob, isa rin si Ate Shuvee na nagpalakas ng loob ko noon."
Natapos ang shooting ng Huwag Kang Titingin bago nagsimula ang ikalawang season ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Samantala, mapapanood na ang nasabing horror film sa mga sinehan simula April 15. Kabilang din sa cast sina Allen Ansay, Sean Lucas, at Anthony Constantino.
Silipin ang fun and freaky behind-the-scenes ng Huwag Kang Titingin sa gallery na ito.