
"Honored, excited, and pressured."
Ganyan inilarawan ng Kapuso tween star na si Sofia Pablo ang kanyang nararamdaman sa kanyang gagampanang karakter sa 'Prima Donnas.'
Dagdag ni Sofia, challenging ang kanyang role sa 'Prima Donnas' dahil kakaibang karakter ang kanyang gagampanan dito.
"First time ko pong magiging lampa at sakitin pa po, mahina rin," pag-amin ni Sofia.
"'Yung mga usual characters ko po kasi kahit papaano lumalaban, so ito po 'yung very exciting."
Gagampanan ni Sofia ang katauhan ni Donna Lyn, ang bunso sa tatlong Donnas.
Ayon kay Sofia, isa lang ang kanilang pagkakaparehas ni Donna Lyn kaya naman sobrang nahihirapan siya na gampanan ito.
"'Yung pagkakaparehas po namin, kapag may problema, gusto na ayusin na lang po, pag-usapan na lang po nang maayos kaysa mag-away-away," saad ni Sofia.
Makakasama ni Sofia sina Jillian Ward at Althea Ablan, na gaganap bilang Donna Marie at Donna Belle.
Kasama rin sa 'Prima Donnas' ang mga de kalibreng artista ng GMA na sina Katrina Halili, Aiko Melendez, Wendell Ramos, Chanda Romero, at Benjie Paras.
May special participation naman ang award-winning actress na si Glaiza de Castro sa 'Prima Donnas.'
Abangan ngayong Agosto ang 'Prima Donnas' sa GMA Afternoon Prime