GMA Logo Sofia Trazona on Fast Talk with Boy Abunda
Source: Fast Talk with Boy Abunda
What's on TV

Sofia Trazona, walang sama ng loob noong itago siya ng ina na si Izzy Trazona

By Kristian Eric Javier
Published February 25, 2026 10:16 AM PHT

Around GMA

Around GMA

SC moves GAA oral arguments a day earlier
NAIA announces terminal reassignment for international airlines
3rd Trillion Peso March in Iloilo City set on Feb. 25, 2026

Article Inside Page


Showbiz News

Sofia Trazona on Fast Talk with Boy Abunda


Nanatiling malapit at mapagmahal si Sofia Trazona sa kaniyang ina na si Izzy Trazona, at amang si Michael Navarro sa kabila ng hindi niya pagtanda sa poder nila.

Wala umanong sama ng loob si Andrei, o mas kilala ngayon bilang si Sofia Trazona, sa ina na si Izzy Trazona matapos siyang itago noon sa publiko sa kasagsagan ng SexBomb Girls kung saan miyembro ito. Sa katunayan, naiintindihan umano ng drag queen kung bakit ito nagawa ng ina, at ng kaniyang ama na si Michael Navarro.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, kinumpirma ni Sofia na itinago siya noon ng kaniyang ina na si Izzy noong kasikatan ng SexBomb Girls taong 2002. Pagbabahagi ni Sofia, nanirahan siya noon sa Quezon.

Sabi pa ni Sofia, wala naman siyang naging tampo noon kina Izzy at Michael at sa katunayan, naintindihan niya kung bakit nila iyon nagawa.

“Kasi po may contract po 'yung SexBomb before na bawal pong magkaanak, bawal pong mabuntis, ganiyan. So she kept it a secret,” pagbabahagi ni Sofia.

Pero kalaunan, habang lumalaki siya, ay dinadala siya ni Izzy sa set ng Eat Bulaga.

BALIKAN ANG NAGING HEARTFELT NA PAG-UUSAP NINA SOFIA AT IZZY SA GALLERY NA ITO:

Ibinahagi rin ni Sofia na hindi siya lumaki noon sa kaniyang mga magulang at sa halip, sa kaniyang lola na ina ni Izzy sa Cavite.

“Lumaki po talaga ako sa lola, mom po ni mama. So kapag hindi busy sina Mama, mga once a week, vini-visit po nila ako sa Cavite nu'n, that time,” sabi ni Sofia.

Nilinaw din ng drag queen na hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa kaniyang mga magulang noong mga panahon na iyon, at sinabing hindi sila nagkulang sa kaniya.

Hindi nagtagal ay nagkahiwalay sina Izzy at Michael at pag-amin ni Sofia, noong tumanda na siya ay tsaka lang siya nagtanong talaga kung ano ang nangyari dahil bata pa lang ay pinaliliwanagan na siya ni Izzy.

“In-e-explain naman po sa akin ni Mama na 'Hiwalay na kami ng Papa mo,' ganiyan. So wala naman ako naging questions nu'ng bata pa po ako,” sabi ni Sofia.

Dagdag pa niya, kahit nagkahiwalay ang kaniyang mga magulang, nanatili pa rin ang relasyon niya sa kaniyang ama noong mga panahon na iyon, hanggang sa tumanda siya.