
Muling nagbabalik ang Filipino singer at The Voice Season 26 grand champion Sofronio Vasquez sa noontime variety show na It's Showtime ngayong Lunes (January 6).
Ngayong unang Lunes ng 2025, isang heartwarming at pangmalakasang opening number ang hatid ni Sofronio kasama ang ilang “Tawag ng Tanghalan” hurados at TNT champions sa naturang programa.
Labis ang pasasalamat ni Sofronio sa lahat ng bumubuo ng noontime show dahil sa pagbubukas ng pangarap sa lahat.
Aniya, “Maraming, maraming salamat po for starting to develop and starting to open up the dreams for everyone.”
Ikinuwento rin nina Sofronio at Vice Ganda na nagsilbing vocal coach ang una ng mga contestant ng “Tawag ng Tanghalan” kahit na hindi ito nagwagi sa nasabing kompetisyon.
“Hindi naman po nila alam na hindi po tumigil 'yung pangarap ko sa competition. 'Yung Showtime po 'yung mismong nagbigay sa akin ng trabaho at ginawa po akong vocal coach kaya salamat po,” ani Sofronio.
Bukod dito, nakatanggap ng Special Commendation Award si Sofronio mula sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit. Ito ay pagkilala para sa kanyang historic achievement bilang ang kauna-unahang Pinoy na nagwagi sa The Voice USA at sa kanyang dedikasyon at remarkable talent.
Nagwagi si Sofronio Vasquez sa 26th season ng reality singing competition na The Voice USA, kung saan naging coach niya ang singer-songwriter na si Michael Buble.
Noong Disyembre 10 (US time), siya ay tinanghal na grand winner pagkatapos ng kanyang matagumpay na performance ng "Unstoppable" at "A Million Dreams" ni Sia mula sa The Greatest Showman.
Related gallery: Meet Sofronio Vasquez, 'The Voice' USA' grand champion
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.