
Sinibak sa puwesto noong Miyerkules, December 20, ang dalawang pulis na unang rumesponde sa bahay ng namayapang veteran actor na si Ronaldo Valdez matapos kumalat ang isang video na kuha sa araw ng kanyang pagkamatay. Nadamay din at natanggal sa puwesto ang kanilang station commander sa Quezon City Police District o QCPD.
Sa media conference ni Police Colonel Jean Fajardo, ibinahagi niyang puwedeng humarap ang tatlong alagad ng batas sa administrative at criminal cases.
“Nasa admin holding unit po sila ng QCPD, pending investigation. We will give the names later,” sabi ni Fajardo.
Ito ay matapos mag-post ang talent manager ni Ronaldo na si Jamela Santos sa kanyang Facebook page kung saan sinita niya ang mga nag-upload ng video na bumabastos umano sa legacy ng yumaong aktor.
“Magtutuos tayo pagkatapos ko magluksa. Why people can be soooo cruel!!! I can't believe it!!! Ano, para may scoop kayo? Para mag-trending kayo? How can you be so low! Mga walang respeto!” pahayag ni Jamela sa kanyang post.
Ang video na sinasabi ni Jamela ay kuha ng isa sa mga pulis na rumesponde sa bahay ni Ronaldo bilang bahagi ng case documentation, ngunit para lamang sa internal use ng PNP at hindi dapat isapubliko.
BALIKAN ANG MOST MEMORABLE ROLES NI RONALDO VALDEZ SA GALLERY NA ITO:
Samantala, iniimbestigahan pa rin ng QCPD at ng Anti-Cybecrime Group o ACG kung sino ang original na nag-upload ng video. Ayon pa sa PNP ay maaaring kasuhan ang uploader, kahit ang mga nag-share ng video, ng kaso sa ilalim ng anti-cybercrime law.
“Nag-request na po ang QCPD through our ACG para po mag-request na i-take down na po itong mga kumakalat po na mga video,” sabi ni Fajardo.
Naki-usap na rin ang PNP at ACG sa mga netizen na may kopya ng video na 'wag na ito i-upload at sa halip ay i-delete na ito.