
Ibinahagi ng SB19 member at The Voice Generations coach na si Stell o Stell Ajero sa Fast Talk with Boy Abunda ang mga naging pagbabago sa kanyang buhay simula nang sumikat.
Matatandaan na unang nakilala si Stell bilang miyembro at main choreographer ng internationally recognized P-pop boy group na SB19.
Ngayon, napapanood na rin si Stell bilang isa sa coaches ng first-ever The Voice Generations sa bansa at sa buong asya, tuwing Linggo sa GMA.
Sa pagsalang ni Stell sa isang panayam kasama ang batikang TV host na si Boy Abunda, ibinahagi niya ang mga bagay na kaakibat ng kanyang naging pagsikat kasama ang fellow SB19 members,
Ayon kay Stell, “Ang best po, siyempre, ito kumikita and, siyempre, we can provide for our family. Nakukuha namin 'yung gusto namin, siyempre, may mga need and wants din po kami.”
Pero ayon sa singer, ngayon ay mas madalas na hindi na nila nakakasama ang kanilang pamilya dahil sa trabaho.
Aniya, “But ang kabaligtaran po noon, siyempre, dahil nga nakikilala kami mas wala po kaming time with our family. So, hindi namin sila masyadong nakikita, hindi namin sila nakakasama, especially now na nakatira kami dito na sa area na malapit and para malapit na sa work and hindi na kami ma-hassle”
Dagdag pa niya, “And other thing po is wala na po kaming freedom to go outside. Hindi naman kami malabas talaga pero yung simpleng pagmo-mall sana po na gusto naming gawin, hindi na po namin talaga magagawa.
“Kasi, may mga instances po talaga na may mga taong nakakakilala. Okay lang sa amin 'yun, pero minsan po talaga kasi nadudumog and ayaw po naming mag-cause ng commotion sa isang lugar and maabala 'yung mga tao. So, we choose to stay na lang sa bahay.”
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.