
Kailan lang ay inanunsyo na ni SB19 member Stell ang kauna-unahan niyang solo single na "Room." At ayon sa singer, ang debut single niyang ito ay paraan niya para mag-come out sa kaniyang shell pagdating sa kaniyang personality at pagiging isang performer.
“Deep inside me, there's a special room na pagka nandun ako sa room na ' yun, I feel empowered, I feel confident,” sabi ni Stell kay Aubrey Carampel sa interview niya sa 24 Oras Weekend tungkol sa kaniyang single.
Pagpapatuloy ni Stell, dapat na niyang tanggalin ang hiya at takot niya “para magawa ko and ma-showcase ko 'yung talent ko and kung sino talaga ako.”
June 7 nang ianunsyo ni Stell ang kaniyang solo debut sa pamamagitan ng kanta niyang "Room." Nag-release siya ng isang 29-second teaser video kung saan makikita ang young singer na tumatawid ng kalsada para pumasok sa isang establishment na may pangalang "ROOM."
Nakatakdang i-release ang kaniyang debut single ngayong June 14. Caption ni Stell sa kaniyang post, “Can you read the room?”
Si Stell ang huling miyembro ng P-Pop boy group na SB19 para mag-debut bilang isang solo artist kaya naman, full support ang mga kabanda niya sa kaniya.
MAS KILALANIN PA SI STELL SA GALLERY NA ITO:
Bukod sa kaniyang bagong single, naghahanda na rin si Stell para sa nalalapit na The Voice Kids kung saang babalik siya bilang coach kasama si Asia's Limitless star Julie Anne San Jose.
Aniya, mas challenging na ngayon ang reality singing contest dahil sa kung papaano nila iha-handle ang mga contestants. Magiging challenging din umano para sa kanila ang pagde-deliver ng message na gusto nilang iparating sa kids na sasali sa kompetisyon.
Ngunit kahit nahaharap sa challenge, ayon kay Stell, “Gusto ko ring ma-experience kung paano magturo sa bata.”
Dati na rin naging coach sina Stell at Julie ng The Voice Generations kung saan kasama nila sina Billy Crawford at Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda.
Panoorin ang interview ni Stell dito: