
Napuno ng magkahalong luha at tuwa ang pagsapit ng unang buwan ni baby Angelo, anak ni Super Tekla. Sumailalim kasi ang bata sa isa pang operasyon kahapon, July 23.
Ibinalita ni Super Tekla na inoperahan si baby Angelo kahapon. Maaalalang matinding gamutan ang kailangang pagdaanan ng bata dahil isinalang siyang walang butas ang puwit o may anorectal malformation.
Sambit ng TBATS host, “Sobrang kaba at nangangatog ang buong katawan ko. Sa sobrang kaba dinadaan ko nalang sa tawa at pinapatibay ang loob ko sa pamamagitan ng inyong mga dasal. As of 1:49 P.M. natapos na ang neurosurgical operation ni baby Angelo. Aantay nalang kami lumabas mga doctor pero wala pa rin tigil ang kaba ko sa ngayon. Mag-update ulit ako paglabas ng mga doctor niya sa O.R.”
Dalawang oras matapos ang kanyang post na ito, ibinahagi rin ni Tekla ang kopya ng kanyang video call upang masilayan at makausap ang kanyang anak. Kahapon din kasi ang unang buwan ni baby Angelo.
Mensahe ng komediyante, “I love you anak, Angelo. I love you. Ang daming nagmamahal sa'yo anak, 'no. I love you 'nak. Ang galing-galing naman, ang strong-strong naman. Love you. Pagaling ka ha.”
Unang sumailalim sa operasyon si baby Angelo noong June 26.
Nakatanggap ng suporta si Super Tekla mula kay Willie Revillame at pati na sa pamamagitan ng isang online fundraising concert na pinangunahan ng kanyang kapwa Kapuso stars para sa medical treatment ng kanyang anak.