
Binalikan ng Kapuso news anchor at personality na si Susan Enriquez ang kaniyang journey bilang mamamahayag sa loob ng mahigit 30 na taon sa January 16 episode ng GTV cooking talk show na Lutong Bahay kasama sina Mikee Quintos at Kuya Dudut.
Proud na sinabi ni Susan na hindi raw ito kinakabahan sa kaniyang mga coverage, pero hindi pa rin itinago ang isa sa mga nakakatakot na karanasan sa industriya.
Ayon kay Susan ay muntik na raw itong maiwan sa kamay ng jihadist group na Abu Sayyaf.
“Pumunta kami sa Basilan to cover 'yung mga Abu Sayyaf. Ano lang 'yun, parang presscon lang nila 'yun, e. Tapos pagdating namin doon sa [...] main camp nila sa Basilan, doon sinabi ng leader nila na si [Abdurajak Abubakar Janjalani] na 'hindi kayo makakaalis hanggang hindi binibigay 'yung hinihingi namin,'” pagbabalik-tanaw ng Kapuso news anchor.
Karagdagang tanong ni Mikee, “Mayroon po bang mga pagtutok? Mga delikadong nangyari?”
“E ayun nga 'yun noong sinabi na paiiwan ako,” rebelasyon ni Susan.
Kuwento nito ay talaga raw natakot siya nang marinig ang hiling ng grupo.
“Ako, siyempre, kahit matapang ka, matatakot ka doon dahil puwede ka naman nilang patayin doon anytime, 'di ba, at saka maiiwan ka mag-isa doon.”
Laking pasalamat naman ni Susan na hindi siya pinabayaan ng kapwa news anchor na si Noli de Castro na siyang nakipag-usap sa grupo.
“Dalawa lang kasi kaming babae 'don, so parang kahit 'di ka kumikibo 'don, aanuhin ka nila…” komento pa ni Susan. “[Kaya] noong dumating 'yung truck, una nila akong sinampa sa truck para makababa na agad.”
Isa lamang ang kuwentong ito na nagturo ng value na pinanghahawakan ni Susan bilang isang mamamahayag: “No story is worth dying for.”
Paliwanag nito, “Alam mo, 'yung istorya kasi, nauulit at nauulit lang 'yung mga istorya… 'yung mga bagyo, 'yung kung ano-anong mga kalamidad, nauulit lang 'yan, pero 'yung buhay mo, isa lang 'yan.”
“Before you make any decisions sa coverage mo, make sure na hindi malalagay sa alanganin 'yung buhay mo,” dagdag ni Susan.
Panoorin ang Lutong Bahay mula Lunes hanggang Biyernes, 5:45 p.m., sa GTV.
RELATED GALLERY: GMA News and Public Affairs personalities at the GMA Thanksgiving Gala