
Masaya ang Encantadia Chronicles: Sang'gre concept creator na si Suzette Doctolero sa success at sunod-sunod na blessings ngayon ni Shuvee Etrata.
Sa isang Facebook post, ikinuwento ni Suzette kung paano naging emosyonal si Shuvee nang ma-meet niya ito sa GMA Gala 2025 noong August 2.
Kuwento ni Suzette, bago ang GMA Gala ay napanood niya ang interview ni Shuvee kung saan ibinahagi ng aktres na galing siya sa isang mahirap na pamilya at panganay sa siyam na magkakapatid.
Sabi ng kilalang manunulat, na-"touch, naawa, at naka-relate" siya sa Sang'gre actress.
Kaya naman noong nagkita sila sa GMA Gala ay ipinarating ni Suzette ang kanyang saya at paghanga para kay Shuvee.
"Uy Shuvee, sobrang happy ako sa success mo. Balita ko kasi ang dami mong endorsement. Ayan, bini-bless ka na ni Lord. Mabibigyan mo na ng okay na buhay ang pamilya mo," sabi ni Suzette kay Shuvee, kung saan biglang naging emosyunal ang aktres at naiyak.
"As in tumulo talaga ang luha. Tapos hindi na siya makapagsalita kasi nacho-choke na ng emosyon kaya hinawakan niya na lang nang mahigpit ang kamay ko. Nag-attempt pa siyang sumagot kaso talagang naiyak na (sorry!!!)," pagpapatuloy na kuwento ni Suzette.
Dahil dito, aniya, agad niyang pinatawa si Shuvee at tinukso sa kanyang manliligaw at Sparkle actor na si Anthony Constantino.
Dagdag ni Suzette, "naging instant fan" siya ni Shuvee noong gabing iyon. "To think na hindi ako mahilig sa artista, kahit na nasa industriya ako.
"Authentic siya. Totoong tao. Walang pagpapanggap. Walang wall. Napakagandang bata, sa loob at labas.
"May matinding pagmamahal sa pamilya. At nagsikap talagang mapaunlad ang sarili para sa pangarap at maiahon ang pamilya.
"May kabuluhan talaga ang lahat ng sakripisyo at may saysay ang bawat tagumpay lalo na kung pinagsikapang marating. Deserve niya lahat ng tagumpay," paghanga ni Suzette kay Shuvee.
Samantala, tampok ngayong Sabado, August 9, sa Magpakailanman ang life story ni Shuvee Etrata kung saan siya mismo ang gaganap. Ito ay pinamagatang "Pinoy Big Breadwinner: The Shuvee Etrata Story."
MAS KILALANIN SI SHUVEE ETRATA SA GALLERY NA ITO: