
Mabuti na raw ang kalagayan ng contestant ng Tanghalan ng Kampeon na si Eula Bautista matapos itong mawalan ng malay habang nagpe-perform.
Ngayong March 11, nagsimula ang TiktoClock sa pagbibigay ng update sa nahimatay na contestant na si Eula Bautista.
Kuwento ni Eula, "Kumakanta po ako e tapos bigla na lang nag-black out."
PHOTO SOURCE: TiktoClock
Inilahad ni Eula ang resulta kung bakit siya nahimatay sa gitna ng kaniyang performance.
"Ang sabi po ng medic, 'yung case po na nangyari sa akin is lack of oxygen and number one cause is 'yung corset na suot-suot ko."
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Eula sa mga nakapanood ng nangyari sa kaniya sa "Tanghalan ng Kampeon".
"Hello po sa mga nanonood po. Mga Kapuso, okay lang po ako. Huwag po kayong mag-alala. Patuloy naman po ang laban natin."
Ang OPM Hitmaker at inampalan ng Tanghalan ng Kampeon na si Renz Verano ang nagsalita sa kanilang desisyon sa resulta ng tapatan kahapon.
PHOTO SOURCE: TiktoClock
Unang inilahad ni Renz na masaya sila at maayos ang kalagayan ni Eula.
"Nakahinga na kami nang maluwag dahil okay naman si Eula at walang seryosong nangyari sa kaniya."
Pagpapatuloy niya ang kanilang desisyon sa naputol na tapatan nina Eula at Princess Palti.
"Sa rules po ng ating kompetisyon, dahil nakapag-perform naman ang ating challenger na si Princess Palti at hindi nakapag-perform ang kampeon na si Eula Bautista, automatically po si Princess ang idinideklara naming panalo."
Patuloy na subaybayan ang "Tanghalan ng Kampeon" sa TiktoClock, Lunes hanggang Biyernes 11:00 am sa GMA at sa Kapuso Stream.