
Mas magiging agresibo na raw ang dambuhalang buwaya na si Dakila sa bagong yugto ng primetime action-adventure series na Lolong.
Mas makikita na rin daw ang laki at lakas nito ngayon.
"May mga explosives, may mga splash, 'yung water, 'yung interaction niya is mas visible na kasi mas nagiging aggresive na siya since mayroon nang mas malapit na closeup scene kay Dakila," paliwanag ni Donreb Ernesto, 3D head specialist, ng GMA Post Production.
Pinag-aralan din daw nilang mabuti ang magiging hitsura at kilos ni Dakila.
"Inaral namin siya. And then siyempre 'yung 'Lolong' team, nagbigay rin ng mga reference. Nag-consult din kami sa isa sa mga meetings namin with direk, ng crocodile expert. Basically, doon kami nag-start and then inaral namin 'yung kung ano ba 'yung possible na magiging textures niya," ani Donreb.
Para naman sa tunog ni Dakila, literal itong galing kay GMA Audio/Music team senior audio specialist Angie Reyes. Sariling boses niya ang nire-record niya at pinapatungan ng iba't ibang effects para maging tunog ni Dakila.
"Si Dakila, medyo malaki siya 'di ba? Marami kaming inisip na ano kayang babagay sa kanya na tunog. Hindi naman pwedeng mala-Jurassic. Siyempre, hindi. Ibahin natin. Marami pa rin kaming ibang layers na nilalagay. Isang tunog lang, nag-iisip pa rin kami na may layer pero konti na lang para gumanda," bahagi niya tungkol sa proseso.
Alamin ang proseso ng pagbuo kay Dakila at iba pang bahagi ng Lolong sa video sa itaas.
Samantala, patuloy na tumutok sa bagong yugto ng dambuhalang adventure-serye ng primetime na Lolong, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.