
Kakaibang Teejay Marquez daw ang dapat abangan sa upcoming GMA Telebabad series na Mano Po Legacy: Her Big Boss.
Naiiba daw kasi sa mga nakasanayang roles ni Teejay ang karakter na gagampanan niya sa show.
"Actually, sobrang excited po talaga 'ko dahil first time ko po na magko-kontrabida. Talagang pinag-aaralan ko po 'yung role ko," pahayag ni Teejay.
Gaganap siya sa show bilang ang charming boss na si Raven Lim.
Siya man ang nakababata sa mga tagapagmana ng pamilyang Lim, siya ang mas pinapaboran ng kanilang nanay.
Dahil dito, sa kanya mapupunta ang mga high-end nilang negosyo tulad ng hotels at resorts.
Umaasa si Teejay na masosorpresa ang sarili at mga manonood sa pagbibigay-buhay niya sa karakter ni Raven.
"'Yung pagre-ready ko talaga, more on my character, kung ano 'yung kailangan kong ilabas. Gusto ko rin na i-surprise po 'yung sarili ko kung paano ko siya idi-deliver," aniya.
Bukod dito, excited din si Teejay na maging bahagi ng show dahil hango ito sa isa sa pinaka iconic film franchises, ang 'Mano Po.'
"Lumaki din po ako sa 'Mano Po' so nakikita ko po talaga kung paano sila gumalaw, kung ano po 'yung arte nila doon. Ngayon na napanood ko throughout ['yung films] at ako na mismo 'yung gaganap, sobrang na-excite ako," lahad ng aktor.
Ang "Her Big Boss" ang pangalawang kuwento mula sa Mano Po Legacy, ang serye na tungkol sa pag-ibig, pamilya, at tradisyon ng mga Filipino-Chinese.
Bukod kay Teejay, bahagi rin ng serye sina Bianca Umali, Ken Chan, Kelvin Miranda, Pokwang at marami pang iba.
Abangan ang world premiere ng 'Mano Po Legacy: Her Big Boss' sa March 14, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad!