
Itinuturing ni Teejay Marquez na isa sa craziest thing na kanyang ginawa para sa kanyang career ay nang mag-artista siya sa bansang Indonesia.
Napapanood ngayon si Teejay sa mystery revenge drama ng GMA na Makiling bilang isa sa miyembro ng grupo ng mga kontrabida na Crazy 5.
Sa pagbisita ni Teejay Fast Talk with Boy Abunda, tinanong siya ng batikang TV host kung ano ang “craziest thing” na ginawa niya para sa kanyang career.
Sagot ni Teejay, “Craziest thing, Tito Boy, siguro 'yung naglakas-loob ako na mag-take ng risk na pasukin 'yung pag-sho-showbiz sa Indonesia.”
Kuwento ni Teejay, naglakas-loob siya na magtungo sa Indonesia at mag-aral ng kanilang salita na Bahasa para sa kanyang pagiging artista doon.
Aniya, “Kasi syempre, unang-una, first time kong makalabas ng bansa, magtrabaho sa ibang bansa, ibang culture. Pero, since talagang gusto ko mag-artista, ta's binigyan nila ako ng call na, baka gusto kong i-try. Kahit alam kong wala akong idea, ako lang mag-isa, pumunta ako dun.”
Nagbunga naman ng maganda ang pagbabakasakali noon ni Teejay dahil agad siyang sumikat doon at bumida pa sa Indonesian TV series noong 2018 na Siapa Takut Jatuh Cinta, ang isa sa adaptation ng sikat na Taiwanese drama na Meteor Garden.
Tanong naman ni Boy kay Teejay, “Ba't hindi mo ipinagpatuloy 'yun doon? Kasi, that was a hit!”
Paliwanag naman ng binatang aktor, “Opo. Actually, talagang tuloy-tuloy po 'yun. Pero nagbakasyon ako for like, two months dito sa Pilipinas, tapos nag-COVID. So, hindi po ako makalabas dun. Dahil bawal na nga lumipad. Tapos 'yun, two years pala 'yung COVID, so... kailangan maghintay.”
Subaybayan naman si Teejay bilang si Oliver sa Makiling, Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.