
Sa dalawang dekada niya sa industriya, nagkaroon ng guest appearances ang character actress na si Tess Antonio sa ilang programa ng GMA.
Napanood siya sa isang episode ng Magpakailanman, samantalang suki naman siya sa Sunday sitcom na Dear Uge, kung saan main star si Eugene Domingo.
Matatandaang nagkasama sina Tess at Uge sa launching movie ng sikat na komedyante na Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme (2009).
Ni-reprise ni Tess ang kanyang role bilang empleyado ni Kimmy, ang evil twin ni Dora, sa prequel ng pelikula na ipinalabas noong 2013.
Ngayong 2021, hindi na pasulpot-sulpot ang paglabas ni Tess sa GMA dahil kumpirmadong kasali siya sa cast ng upcoming GMA afternoon series na pagbibidahan ni Jo Berry.
Sa naganap na story conference ng nasabing serye noong Hulyo, winelcome siya ng direktor na si L.A. Madridejos na masayang-masaya nang tinanggap ni Tess ang Kapuso project.
"Si Direk L.A. nakatrabaho ko na before and sure akong masaya siyang katrabaho at mahusay kaya excited talaga ako.
"Salamat po sa lahat ng um-approve sa kataas-taasan [na isama ako sa cast ng upcoming series]," ani Tess.
Sabi pa niya, "Excited po ako lalo na sa mga makakatrabaho ko na mga kapwa artista ko sa channel 7."
Ayon pa sa aktres, ibibigay niya kung ano ang ire-require na emosyon bilang kaibigan ni Angelika Dela Cruz sa upcoming teleserye.
"Hindi ko pa alam kung ano ang gusto ni Direk. Ako po ba 'yung magbibigay kasiyahan kay Angelica or shoulder to cry on o makikipagsabayan din po ako ng away do'n sa mga kontrabida.
"So excited ako sa ano kayang gagawin namin dito sa show po na ito. So drama-drama po ba ang attack, so lahat po 'yun gagawin natin para sa ikagaganda po ng show," bahagi ni Tess sa panayam ng GMA showbiz reporter na si Cata Tibayan.