
Mapapanood ang award-winning horror film na That Boy in the Dark sa digital channel na I Heart Movies ngayong linggo.
Ang That Boy in the Dark ay pinagbidahan ni young Kapuso actor Joaquin Domagoso na gumanap dito bilang Knight, isang binatang unti-unting nabubulag matapos maaksidente.
Habang nagpapagaling sa bahay ng kanyang lolo, makakarinig siya ng misteryosong mga sigaw at iyak tuwing gabi.
Walang maniniwala sa kanya kaya si Knight na mismo ang mag-iimbestiga rito.
Humakot ng mga parangal si Joaquin Domagoso matapos ang pagganap niya sa pelikula. Kabilang dito ang Best Actor awards mula sa 16th Toronto Film and Script Awards, Boden International Film Festival sa Sweden, at Five Continents International Film Festival 2022 sa Venezuela.
Hinirang bilang Best Feature Film ang That Boy in the Dark sa Boden International Film Festival, at Best Thriller Feature Film sa 2022 Five Continents International Film Festival. Kinilala rin bilang Best Director sa Boden International Film Festival at nabigyan ng Special Mention as a Feature Film Director sa 2022 Five Continents International Film Festival si Adolf Alix Jr.
Nakuha rin ng pelikula ang parangal para sa Best Supporting Actor para kay Kiko Ipapo, Best Screenplay para kay Gina Marissa Tagasa, at Best Lighting para kay Nelson Macababat Jr. sa 2022 Five Continents International Film Festival.
Abangan ang That Boy in the Dark, November 22, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Masusubukan naman ang pagkakaibigan ng isang grupo ng kababaihan sa Mga Mumunting Lihim mula sa writer-director na si Jose Javier Reyes.
Tampok sa pelikulang ito sina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Agot Isidro, at Janice de Belen.
Isang diary ng namayapang kaibigan ang uungkat at magbubunyag sa ilang sikretong pilit nilang itinatago mula sa isa't isa.
Abangan ang Mga Mumunting Lihim, November 19, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.